Ano ang pananaliksik?
Pananaliksik – bilang isang disiplina ay mahalaga sa pag-unlad ng isang bansa.
– maaaring pang-isahan o kaya’y panggrupo
– sistematiko at siyentipikong proseso ng pangangalap, pagsusuri, pag-aayos, pagoorganisa at pagpapakahulugan ng mga datos tungo sa paglutas ng suliranin,pagpapatotoo ng prediksyon at pagpapatunay sa imbensyong nagawa ng tao
Aquino – ang pananaliksik ay isang maingat at sistematikong paghahanap ng kaukulang impormasyon o datos sa tiyak na paksang pag-aaralan
Manuel at Medel – ang pananaliksik ay isang proseso ng paglilikom ng mga datos o impormasyonpara malutas ang isang partikular na suliranin sa isang siyentipikong paraan.
Parel – ang pananaliksik ay isang sistematikong pag-aaral o pagsisiyasat bilang pagsagot sa mgatanong na ginawa ng mananaliksik
Treece at Treece – ang pananaliksik ay isang pagtatangkang makahanap ng mga solusyon sa mga suliranin; tinipong mga datos sa kontroladong sitwasyon
Atienza atbp. – (UP) bumuo ng isang praktikal na depinisyon na ang pananaliksik ay ang matiyaga, maingat, sistematiko, mapanuri at kritikal na pagsisiyasat o pag-aaraltungkol sa isang bagay, konsepto, kagawian,problema, isyu o aspekto ng kultura at lipunan
Ano ang maka-Pilipinong Pananaliksik?
Kahulugan at Kabuluhan ng Maka-Pilipinong Pananaliksik
Ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang Filipino at/o mga katutubong wika sa Pilipinas at tumatalakay sa mga paksang mas malapit sa puso at isip ng mga mamamayan. Mahalagang idagdag sa katangiang ito na kung hindi man maiiwasasn na nasa wikang Ingles o iba pang wika ang isang pananaliksik dahil may pangangailangang bahagi ito sa internasyonal na mambabasa, kailangan pa ring isalin ito sa Filipino o iba pang wika sa Pilipinas upang mas mapakinabangan. Isa sa mga mahahalagang usapin ang pamimili ng wika at paksa ang nagtatakda sa bigat at halaga ng gagawing pananaliksik. Maisasagawa ang mahusay na pamimili kung isasaalang-alang ang kontekstong panlipunan at kultura ng lipunang kinabibilangan. Makabuluhan ang naging pagninilay ni Dr. Bienvenido Lumbera (2000), Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa kanyang aklat na ”Writing the Nation, Pag-akda ng Bansa,” hinggil sa usapin ng pamimili ng paksa sa panananaliksik.
Bakit hindi paksaing Pilipino? Tanong ito ng isang kababayang kararating lamang sa Indiana University mula sa Pilipinas. Ginulantang ako ng tanong. Sa loob kasi ng tatlong taong pagkalayo sa sariling bayan, hindi sumagi sa isipan ko na importante pala na iugnay ko ang aking mga plano para sa sariling hinaharap sa mga pangangailangan ng aking bayang tinubuan. Taong 1959 noon, at simula iyon ng aking re-edukasyon bilang intelektwal na ang kamalaya’y hinubog ng kulturang kolonyal.
Pangunahing isinasaalang-alang sa maka-PIlipinong pananaliksik ang pagpili ng paksang naaayon sa interes at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino. Bago magdesisyon sa paksa, mahalagang tanungin muna ng isang mananaliksik ang bigat at halaga ng pananaliksik para sa mga kalahok nito o pinatutungkulan ng pananaliksik. Kanino ba ito magsisilbi? Ayon kay Virgilio Enriquez (1976), proponent ng Sikolohiyang Pilipino, kailangang “ibatay sa interes ng mga kalahok ang pagpili ng paksang sasaliksikin. Kilalanin munang mabuti ang mga kalahok at hanguin sa kanila ang paksa, nang ganoon ay may kaugnayan ito sa kanilang pamumuhay. Kalimutan ang sariling hangarin at ituon ang pag-aaral sa pangangailangan at hangain ng kalahok.”
Ano-ano ang mga katangian ng papel-pananaliksik?
MGA KATANGIAN NG PANANALIKSIK
· Sistematiko – Ito’y sumusunod sa maayos at makabuluhang proseso.
· Kontrolado – Ito’y hindi isang ordinaryong problema na madaling lutasin. Pinaplano itong mabuti at ang bawat hakbang ay pinag-iisipan kaya hindi pwedeng manghula sa resulta.
· Empirikal – Lahat ng mga datos ay kumpleto na, ang mga ebidensya ay handa na upang mapatunayan o mapasinungalingan ang binuong hiptesis sa umpisa pa lamang ng pagsisiyasat.
· Pagsusuri – Ito’y masusing pag-aaral sa mga datos na kwantitatibo at kwalitatibo.
Ø Kwantitatibo – nakatuon sa pagkalkula ng mga bilang
Ø Kwalitatibo – tumutukoy sa malinaw at tiyak na pagbibigay ng kuro-kuro
· Obhetibo, walang kinikilingan at lohikal – Ang anumang resulta sa pag-aaral ay may sapat na batayan at hindi salig sa sariling opinyon ng mananaliksik.
· Ginagamitan ng hipotesis – Ipinakikilala ng hipotesis ang kaisipan ng mananaliksik sa simula pa lamang ng pag-aaral.
Ø Ayon kay Gay, ang hipotesis ay pansamantala o temporaryong pagpapaliwanag sa isang tiyak na kaasalan, bagay na hindi pangkaraniwan, pangyayaring naganapna o magaganap pa lamang. Ang hipotesis ay tumutukoy sa tiyak na pagpapahayag ng suliranin sa isasagawang pag-aaral.
Ano-ano ang gamit ng pananaliksik?
Gamit ng Pananaliksik
1. Maging sulusyon sa suliranin
2. Makadiskubre ng bagong kaalaman, konsepto, at inporamsyon
3. Makita ang kabihasnan na umiiral ng isang bagay
4. Umunlad ang sariling kaalaman ng mga mag-aaral
5. Mapalawak na kaalaman ng mga mag-aaral.
Paano pumili ng paksa ng papel-pananaliksik?
Mga Gabay sa Pamimili ng Paksa at Pagbuo ng Suliranin sa Pananaliksik
Mula sa gabay ng maka-Pilipinong pananaliksik sa pamimili ng paksa, narito naman ang ilang batayang kaalaman na dapat isaalang-alang sa wastong pamimili at paglimita ng paksa. Bago tuluyang buuin ang tanong ng pananaliksik na gagabay sa buong pag-aaral, makabubuuting sagutin muna ang mga sumusunod na tanong:
· May sapat bang sanggunian na pagbabatayan ang napiling paksa? Kapag bagong-bago ang paksa na nais talakayin, kadalasang hindi sapat ang nasusulat na mga naunang pag-aaral at literaturang kaugnay nito. Bagama’t maaaring magsilbing eksplorasyon ng bagong paksa ang pag-aaral, ipinapayo rin sa mga nagsisimulang mananaliksik na pumili muna ng paksang may sapat nang pundasyon. Kailangang mapalawak ang kaalaman sa paksang tatalakayin; kung kaya iwasan ang paksang walang sapat na katibayan at piliin ang nailimbag na sa iba’t ibang babasahiin upang maging batayan at tuntungan ng impormasyon ng gagawing pagtalakay.
· Paano lilimitahan o paliliitin ang isang paksa na malawak ang saklaw? Maaaring hatiin ang sang malaking aksa sa maliliit na bahagi at pumili lamang ng isang aspekto nito na tiyak na sasaklawin. Halimbawa, kung interesado kang talakayin ang teleseryeng Pilipino, maaari kang magbigay diin lamang sa kasaysayan o impluwensya nito, o di kaya ay pumili lamang ng isang tiyak na tema. Nalilimita rin ang pananaliksik kung tiyak ang magiging kalahok o populasyon ng pananaliksik. Halimbawa, kung ang dating disenyo ng isang pananaliksik ay ginawa sa isang unibersisdad, maaaring muling gawin ang pananaliksik (nang may pagkilala sa nauna) sa iba namang unibersidad at paghambingin ang magiging resulta nito. Ang bagong disenyo at pamamaraan ay makapagbibigay rin ng limitasyon sa pananaliksik. Halimbawa, kung ang isang paksa na kaugnay ng paninigarilyo ng kabataan ay nasa deskriptibong disenyo na naglalayong maglarawan sa malakihang populasyon, maaaring paliitin ito ng mananaliksik at pag-aralan ang isang kaso o karanasan ng piling kalahok kaugnay ng paninigarilyo.
· Makapag-aambag ba ako ng sariling tuklas at bagong kaalaman sa pipiliing paksa? Kahit na luma ang isang paksa, depende sa pagtingin sa ibang anggulo ng mananaliksik, ay maaari itong makapagbigay ng bagong tuklas na kaalaman. Tungkulin ng mananaliksik na bigyan ng panibagong dimension ang isang lumang paksa upang lagyan ng pagsusuri, kongklusyon, at rekomendasyon batay sa bagong datos na nakalap. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi duplikasyon ng mga naunang pananaliksik ang paksa.
· Gagamit ba ng sistematiko at siyentipikong paraan upang masagot ang tanong? Madalas na ipagpalagay ng mga mag-aaral na ang pananaliksik ay maaaring gawin lamang sa pamamagitan ng Google, Yahoo, o iba pang search engine sa internet. Tiyakin na ang tanong ng pananaliksik ay hindi lang basta masasagot ng mga dati nang pangkalahatang kaalaman o paliwanag na makukuha sa internet o nailathala na sa libro. Kung hindi nagagamitan ng siyentipikong pamamaraan ang tanong upang masagot, hindi ito maaaring maging tanong sa pananaliksik. Halimbawa, hindi mo itatanong kung “Ano ang makabagong teknolohiya ng stem cell?” o kaya ay “Paano isinasagawa o saan nagagamit ang stem cell?” dahil kapag hinanap mo ito sa internet ay makakikita ka nan g mabilisan at tiyak na sagot. Ngunit kung susubukin mong hanapin ang sagot sa tanong na “Gaano na kalawak at kalalim ang pananaliksik hinggil sa teknolohiyang stem cell ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila”, may makukuha ka ng bagong kaalaman hinggil sa stem cell sa tiyak na konteksto mula sa ispesipikong tanong na hindi maaaring makuha sa internet.
ETIKAL NA PANANALIKSIK AT MGA RESPONSIBILIDAD NG MANANALIKSIK
Ano ang etika?
Naitala ang pinakaunang paggamit ng salitang etika noong ika-14 na siglo ayon sa diksiyunaryong Merriam-Webster (2014). Ang salita ay nagmula sa Middle English na ethik, mula sa katagang Griyegong ēthikē, na galing naman sa katagang ēthiko. Ang lahat ng ito ay tumutukoy na nakaugaliang pamamaraan ng pamumuhay at pakikipag-kapuwa. Ayon sa Free Dictionary (2014), ang etika ay tumutukoy sa mga pamantayan ng pagkilos at pag-uugali batay sa mga katanggap-tangap na ideya sa kung ano ang tama at mali. Sa larangan ng Pilosopiya, ang etika ay itinuturing na isang sangay ng pag-aaral na nakapokus sa grupo ng mga prinsipyo at paniniwala sa kung ano ang mabuti at nararapat. Samakatuwid, ang pagiging etikal ay tumutukoy sa pagiging matuwid, makatarungan, matapat, at mapagpahalaga sa kapuwa ng isang tao. Kung ilalapat ito sa pagsasagawa ng pananaliksik, mahihinuha na ang pagiging etikal sa larangang ito ay pagsunod sa mga pamantayang may pagpapahalaga sa katapatan, kabutihan at pagpapanguna sa kapakanan ng kapwa.
Ano-anong mga etika ang dapat gawin ng isang mananaliksik?
Mga Gabay sa Etikal na Pananaliksik
Ang mga gabay sa etikal na pananaliksik ay nagpapakita ng mga etikal na isyusa iba’t ibang bahagi ng proseso ng pananaliksik. May tinukoy na mahahalagang prinsipyo sa etikal na pananaliksik ang American Psychological Association (2003) at ang Center for Social Research Methods (2006) na maaaring maging gabay ng mga nagsisimulang mananaliksik sa anumang larangan. Narito ang ilan sa mahahalagang prinsipyong iyn:
1. Pagkilala sa Pinagmulan ng mga Ideyan sa Pananaliksik. Gaya ng nabanggit sa unang bahagi ng aralin, ang pananaliksik ay maihahalintulad sa paglahok sa isang pampublikong diyalogo. Ibig sabihin, bukod sa mananaliksik ay maaaring marami nang naunang nag-isip tungkol sa partikular na paksang nais mong unawain at pagyamanin. Mahalaga ang pagbanggit at pagkilala sa iba pang mananaliksik at iskolar na naging tuntungan at pundasyon ng iyong pananaliksik. Sa pamamagitan ng diyalogong ito, nakalilikha ng isang komunidad ng mga mananaliksik na may malasakit at iisang layunin.
2. Boluntaryon Partisipasyon ng mga Kalahok. Kinakailangang hindi pinilit ang sinomang kalahok o respondent sa pagbibigay ng impormasyon o anomang partisipasyon sa pananaliksik. Bago simulant ang pagsagot sa sarbey, pakikipanayam o eksperimento, kailangang maging malinaw muna sa mga tagasagot ang kabuuang layunin ng pananaliksik at halaga ng kanilang partisipasyon. Kung eksperimental, mahalagang maunawaan din ng kalahok ang bigat o inaasahang peligro ng eksperimento at kailangang buong-loob ang kanyang paglahok sa kabila nito.
3. Pagiging Kumpidensyal at Pagkukubli sa Pagkakakilanlan ng Kalahok. Kailaangang ipaunawa sa mga kalahok na ang anumang impormasyon na magmumula sa kanila ay gagamitin lamang sa kapakinabangan ng pananaliksik. Dapat ding pag-isipan ng mananaliksik kung paano ikukubli ang pagkakakilanlan ng tagasagot lalung-lalo na sa mga pananaliksik na may sensitibong paksa. Sa mga pagkakataong kailangang isapubliko ang resulta ng pananaliksik o kaya’y ibahagi o colloquium o publikasyon, kailangan pa ring ipagpaalam at hingin ang permiso ng mga tagasagot na pangunahing pinagmulan ng datos ng pananaliksik.
4. Pagbaballik at Pagggamit ng Resulta ng Pananaliksik. Mahalagang ipaalam sa mga tagasagot ang sistematikong pagsusuri ng mananaliksik sa kinalabasan ng pag-aaral. Madalas na nararamdaman ng mga kalahok, lalo na yaong mga nasa komunidad, na ginagamit lamang sila ng mananaliksik upang kumuha ng datos at pagkatapos ay parang bulang nawawala ang mga ito. Ito ay dahil sa mangilan-ngilan lamang na mananaliksik ang bumabalik upang ibahagi sa mga kalahok ang kinalabasan ng pag-aaral. Kung may awtput tulad ng modelo, pagbuo ng polisiya, o iba pang mahahalagang rekomendasyon ang pananaliksik, makabubuti kung ipaalam ito sa kinauukulan upang makatuloong sa kapakinabangan ng komunidad o kaugnay na institusyong pinag-aaralan.
Ano ang plagiarism?
Plagiarism at ang mga Responsibilidad ng Mananaliksik
Nagiging tampok na usapan sa social media ang ilang popular na kaso ng plagiarism sa Pilipinas. Kontrobersyal ang naging paggamit ng isang malaking negosyante ng mga sikat na linya sa kaniyag talumpati nang walang pagbanggit sa malalaking pangalan na pinagmulan ng ideya. Gayundin, binatikos ang isang senador sa walang habas na paggamit ng ideya at direktang pagkopya sa artikulo ng ilang blogger tungkol sa isyu ng Reproductive Health Law sa kanyang talumpati sa sendao. Dahil sa mga pangyayaring ito, naging tampok sa media ang konsepto ng plagiarism at ang mga kaugnay na usaping etikal nito.
Kailan masasabi na plagiarism ang ginagawa ng isang tao?
Ayon sa Purdue University Online Wrting Lab (2014), ang plagiarism ay ang tahasang paggamit at pangongopya ng mga salita at/o ideya ng walang kaukulang pagbanggit o pagkilala sa pinagmulan n ito. Tinukoy ng Plagiarism. Org (2014) ang iba pang anyo ng plagiarism gaya ng:
· Pag-angkin sa gawa, produkto o ideya ng iba;
· Hindi paglalagay ng maayos na panipi sa mga siniping pahayag;
· Pagbibigay ng maling impormasyon sa pinagmulan ng siniping pahayag;
· Pagpapalit ng mga salita sa katulad na wika o kaya ay pagsasalin ng teksto ngunit pangongopya sa ideya nang walang sapat na pagkilala; at
· Ang pangongopya ng napakaraming ideya at pananalita sa isang pinagkunan na halos bumuo na sa iyong produkto, tukuyin mo man ohindi ang pinagmulan nito.
Ano-ano ang mga hakbang na dapat gawin sa pananaliksik?
Ang pag-alam sa proseso ng pananaliksik ay makapagbibigay sa mananaliksik ng sapat na pundasyon at kakayahan sa pagtuklas ng impormasyong bubuo sa pananaliksik. Narito ang pangkalahatang proseso ng pananaliksik at kahalagahan ng pagsasagata ng bawat bahagi.
1. Pamimili at Pagpapaunlad ng Paksa ng Pananaliksik
Sinisimulan ang anumang pananaliksik sa pagpili at paglimita ng paksa. Ang nalimitahang paksa ay isinasalin sa tanong na magsisilbing gabay ng buong pananaliksik. Sa nakaraang aralin ay nabigyan kayo ng sapat na kaalaman sa pamimili ng paksa at pagbuo ng tanong sa pananaliksik. Ngunit bukod sa pamimili ng paksa, pinauunlad ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kaugnay na literature at pag-aaral. Makabubuti kung sa unang bahagi pa lamang ng pananaliksik ay may malawak nang pagkaunawa sa paksa ang mananaliksik upang maging madali sa kaniya ang mga susunod na bahagi. Kung minsan, kapag masyado pang malawak ang paksang nais saliksikin, nakatutulong ang pagbabasa tungkol sa paksa upang makahanap ng ispesipikong anggulo at mapaliit ang saklaw nito. Gayundin, makapagbibigay ng ideya sa mananaliksik ang pagbabasa ng mga kaugnay na literature kung ang pinaplanoong paksa ay may kahalintulad na o kaya naman ay wala pang sapat na batayan o sanggunian.
2. Pagdidisenyo ng Pananaliksik
Ang bahaging ito ay mas nagbibigay ng katiyakan sa tatakbuhin ng pananaliksik. Sa antas na ito, kinakailangang natukoy na ng mananaliksik ang tiyak na suliranin ng pananaliksik upang malapatan ng tiyak na disenyo. Sa bahaging ito, inaakda na ng mananaliksik ang teoretikal na gabay ng pananaliksik na resulta ng naunang pagbabasa. Pagkatapos ay bubuuin ang konseptuwal na balangkas na maglalatag ng kabuuang lawak ng pananaliksik at paraan ng magiging pagsusuri.
Kapag natukoy na ang suliranin at lawak ng pananaliksik, itatakda ng mananaliksik ang disenyo ng pag-aaral at kaukulang pamamaraan kung paanong matatamo ito. Gayundin, tutukuyin na ang mga kalahok o populasyon ng pananaliksik.
Sa antas na ito, maaari na ring iakda ang iba pang bahagi ng pananaliksik: Teoretikal na Gabay at Konseptuwal na Balangkas, Sakop at Delimitasyon ng Pag-aaral, at Daloy ng Pag-aaral
3. Pangangalap ng Datos
Sa bahaging ito nangyayari ang produksyon ng bagong datos na pagbabatayan ng kalalabasan ng pananaliksik kung kaya’t mahalagang maging masinop, matiyaga at matapat ang mananaliksik. Pagkatapos tukuyin ang disenyo at pamamaraan sa nakaraang bahagi, kailangan nang ihanda ang instrument o kasangkapang gagamitin upang mangalap ng datos. Malalaman mo sa mga susunod na aralin ang pagbuo ng kasangkappan ng pananaliksik.
Sa bahaging ito, isasagawa na ang pakikipanayam, sarbey, obserbasyon, o pagsusuri ng dokumento depende sa itinakdang pamamaraan ng pag-aaral. Pagkatapos mangalap ng datos mula sa mga nabanggit na pamamaraan, isasaayos at ihahanda ng mananaliksik ang datos para sa presentasyon at pagsusuri.
Sa antas na ito, handa na ang mananaliksik na iakda ang Metodolohiya at Pamamaraan ng Pananaliksik.
4. Pagsusuri ng Datos
Sa bahagi namang ito ginagawa ang isa sa pinakamahalagang tungkulin ng mananaliksik, ang lumikha ng bagong kaalaman sa pamamagitan ng pagsusuri at interpretasyon ng mga datos na nakalap. Tandaan na ang sistematikong presentasyon ng datos ang magtatakda sa hhusay ng panunuri at interpretasyon kung kaya’t kailangang pag-isipang mabuti ng isang mananaliksik ang pinakamabisa at angkop na presentasyon.
Pagkatapos ng paglalatag ng resulta at pagtalakay nito, mahalaga rin na lagumin ng mananaliksik ang pangkalahatan at mahahalagang natuklasan ng pananaliksik mula sa datos at bumuo ng mga kongklusyon mula rito. Ang rekomendasyon ng pananaliksik ay binubuo batay sa mga natukoy na kongklusyon ng pag-aaral. Maaari ding maging rekomendasyon ang mga suhestiyon ng pagpapalawak o pagpapalalim sa susunod na mananaliksik.
Handa na ang mananaliksik na isulat ang Resulta at Diskusyon sa bahaging ito kasunod ng Lagom, Kongklusyon, at Rekomendasyon ng pananaliksik.
5. Pagbabahagi ng Pananaliksik
Ang huling bahagi ng proseso ng pananaliksik ay labas na sa mismong pagsulat ng papel-pananaliksik kaya’t madalas na nakaliligtaan o napagwawalang-bahala ito. Gayunpaman, kailangan bigyang-pansin at paunlarin ang bahagiing ito upang maipalaganap ang resulta ng pananaliksik. Kapag natatapos ang isang semestre sa klase sa pananaliksik o kaya ay nakatapos ng tesis o disertasyon sa isang programa, kadalasang inilalagak na lamang sa silid-aklatan ang mga natatapos na pananaliksik. Madalas na hindi na ito nababasa o nabubuklat man lang liban na lamang kung may susunod na mananaliksik na magiging interesado rin sa paksa ng pananaliksik. Sa kalakhan ay bantos ang kultura ng pagbabahagi ng kaalaman sa mga paaralan o unibersidad sa kasalukuyan.
Sa pinakahuling antas ng pananaliksik na ito, titiyakin na maibabahagi ng mananaliksik ang mahahalagang naging kongklusyon ng pananaliksik. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng paglalathala sa iba’t ibang publikasyon gaya ng mga refereed journal (online o hindi), libro, at iba pang uri ng lathalain. Maaari ring ibahagi ito sa mga plenary o parallel session ng mga pambansa at pandaigdigang kumperensya batay sa halaga at husay ng kinalabasan ng pananaliksik. Kung hindi makamit ito sa isang buong semestre, maaaring mag-organisa ang mga mag-aaral ng local na research forum sa oob ng kanilang paaralan. Hindi pa maituturing na buo ang pananaliksik hangga’t hindi ito naibabahagi.
Ano-ano ang mga bahagi ng isang sulating-pananaliksik?
Ano-ano ang nilalaman ng bawat bahagi?
Kabanata I. Ang Suliranin at Sanligan Nito
A. Rasyonal at Kaligiran ng Pag-aaral
B. Teoretikal na Gabay at Konseptuwal na Balangkas
C. Paglalahad ng Suliranin
D. Layunin at Kahalagahan ng Pag-aaral
E. Sakop at Delimitasyon ng Pag-aaral
F. Pagbibigay-Kahulugan sa mga Terminolohiya
Kabanata II. Rebyu ng Kaugnay na Literatura at Pag-aaral
A. Kaugnay na Literatura
B. Kaugnay na Pag-aaral
Kabanata III. Metodolohiya at Pamamaraan
A. Disenyo at Pamamaraan ng Pananaliksik
B. Lokal at Populasyon ng Pananaliksik
C. Kasangkapan sa Paglikom ng Datos
D. Paraan ng Paglikom ng Datos
E. Paraan ng Pagsusuri ng Datos
Kabanata IV. Resulta at Diskusyon
Kabanata V. Lagom, Kongklusyon, at Rekomendasyon
DISENYO NG PANANALIKSIK
Ang disenyo sa pananaliksik ay ang pangkalahatang estratehiya na pinipili ng mananaliksik upang pagsama-samahin ang lahat ng bahagi at proseso ng pananaliksik sa maayos at lohikal na paraan. Ito ang nagtitiyak na masasagot ng pananaliksik ang suliranin at matutupad ang layunin na itinakda nito. Ang bahaging ito ng pananaliksik ay kadalasang naglalaman ng paraan ng pangongolekta, presentasyon, at pagsusuri ng datos. Ayon sa Business Dictionary (2011), ang disenyo ng pananaliksik ang detalyadong balangkas kung paano isasagawa ang imbestigasyon. Kadalasang nilalaman nito kung sa paanong paraan mangangalap ng datos ang mananaliksik, ano at paano gagamitin ang napiling instrument, at ang mga pamamaraan kung paanong susuriin ang datos.
Ano ang mga dapat isaalang-alang sa pagpili ng disenyo ng pananaliksik?
Ang suliranin ng pananaliksik ang nagtatakda sa uri ng disenyong gagamitin ng mamanaliksik. Kailangang tiyakin na ang kabuuang disenyo ay lohikal na sasagot sa mahahalagang tanong ng pananaliksik. Ang pangangalap ng impormasyon na tutugon sa suliranin ng pananaliksik ay nangangailangan ng pagtitiyak ng uri ng ebidensya at impormasyon upang subukin ang mga teorya, tasahin ang program, o kaya’y ilarawan ang ugnayan ng mga kalahok sa pananaliksik. Madalas na nagiging pagkakamali ng mga mananaliksik ang agad na paglusong sa imbestigasyon at pangangalap ng datos, bago pa man kritikal na pag-isipan kung anong mga tiyak na impormasyon ang kailangan upang tugnan ang suliranin ng pananaliksik, kadalasang hindi sapat na nasasagot ang itinakdang tanong ng pag-aaral o kaya’y mahina at hindi akma ang nagiging kongklusyon nito. Ayon kay David de Vaus (2011), kung mailalatag nang maayos ng isang mananaliksik ang sistema at disenyo ng pananaliksik, tiyak na makakamit nito ang sumusunod:
· Matutukoy nang malinaw ang suliranin ng pananaliksik at mapangangatuwiranan ang pagkakapili nito;
· Madaling makabubuo ng rebyu at sintesis ng mga naunang pag-aaral na may kinalaman sa paksa at suliranin ng ginagawang pananaliksik;
· Malinaw at tiyak na matutukoy ang mga haypotesis at pinakasentral na pag-aaral;
· Epektiibong matutukoy at mailalarawan ang datos na kailangan sa pagsubok ng mga haypotesis at maipaliliwanag kung paanong makakalap ang mga datos na ito; at
· Mailalarawan ang mga pamamaraan ng pagsusuri na gagamitin upang alamin kung tama o mali ang mga haypotesis.
Ano-ano ang mga disenyo ng pananaliksik?
Nahahati sa iba’t ibang paraan at kategorya ang disenyo ng pananaliksik batay na rin kung sa anong disiplina ito nakalinya. Madalas na ginagamit bilang pangkalahatang distinksyon ng disenyo ang pagiging kuwantitatibo (quantitative) o kuwalitatibo (qualitative) ng pananaliksik.
Kuwantitatibo. Ang kuwantitatibong pananaliksik ay tumutukoy sa sistematiko at empirical na imbestigasyon ng iba’t ibang paksa at penomenang panlipunan sa pamamagitan ng matematikal, estadistikal, at mga teknik na pamamaraan na gumagamit ng kompyutasyon. Kadalasang ginagamitan din ito ng mga nasusukat at nakabalangkas na pamamaraan sa pananaliksik gaya ng sarbey, eksperimentasyon, at pagsusuring estadistika. Ang mga halimbawa nito ay mga pag-aaral na pinopondohan ng gobyerno gaya ng sensus sa populasyon, mga panlipunang indikasyon gaya ng antas ng kawalan ng trabaho, dami ng naghihirap, o kaya ay mga impormasyong pang-ekonomiya gaya ng paraan ng paggastos ng mga mamamayan ng isang bansa.
Kuwalitatibo. Ang kuwalitatibong pananaliksik naman ay kinapapalooban ng mga uri ng pagsisiyasat na ang layunin ay malalimang unawain ang pag-uugali at ugnayan ng mga tao at ang dahilan na gumagabay rito. Ang disenyong ito ay pinapatnubayan ng paniniwalang ang pag-uugali ng tao ay laging nakabatay sa mas malawak na kontekstong pinangyayarihan nito at ang mga panlipunang realidad gaya ng kultura, institusyon at ugnayang pantao na hindi maaaring mabilang o masukat. Kung ang kuwalitatibong pananaliksik ay ideyal sa pag-aaral ng mga malakihan at pangkalahatang padron, ang kuwalitatibong pagdulog naman ay labis na personal sapagkat ninanais nitong malalimang unawain ang pag-uugali, katangian ng pakikipagrelasyon, at partikularidad na ugnayan ng mga kalahok sa pananaliksik. Layunin nitong magpakita ng malinaw at detalyadong salaysay ng karanasan ng tao. Kabilang sa mga metodong madalas gamitin sa ganitong uri ng pananaliksik ang pakikisalamuhang obserbasyon (participatory observation), pakikipanayam, at pagsusuri sa nilalaman.
Bukod sa paghahating kuwantitatibo at kuwalitatibo, maikaklasipika rin ang pananaliksik batay sa sumusunod na uri:
Deskriptibo. Pinag-aaralan sa mga palarawang pananaliksik ang pangkasalukuyang ginagawa, pamantayan, at kalagayan. Nagbibigay ito ng tugon sa mga tanong na sino, ano, kalian, saan, at paano na may kinalaman sa paksa ng pag-aaral. Hindi ito makatutugon sa mga tanong na “bakit” sapagkat naglalarawan lamang ito ng tiyak at kasalukuyang kondisyon ng pangyayari at hindi ng nakalipas o hinaharap. Maaaring maging kongkreto o abstrakto ang deskripsyon sa ganitong uri ng pananaliksik. Ang halimbawa ng kongkretong paglalarawan ay maaaring magpakita ng etnikong pagkakahati ng isang komunidad o kaya ay nagbabagong katangian ng populasyon. Abstrakto naman ang paglalarawan kung tinatangka nang sagutin ang mga tanong gaya ng “Bumaba o tumataas ba ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan?” o kaya ay “Ano ang antas ng kahirapan sa isang tiyak na komunidad?”
Kadalasang nagiging tuntunngan ng iba pang disenyo ng pag-aaral ang deskriptibong pananaliksik. Maaari rin itong pagsimulan ng mas detalyado at malalimang pag-aaral. Mayaman din ang datos na nakukuha rito upang maging batayan ng mga rekomendasyon para sa malakihang populasyon.
Halimbawa:
· Persepsiyon ng mga mag-aaral sa Divorce Bill
· Antas ng paggamit ng apat na core values ng UST ng mga guro sa kanilang pagtuturo.
Disenyong Action Research. Kaiba sa deskriptibong pananaliksik, inilalarawan at tinatasa ng isang mananaliksik ang isang tiyak na kalagayan, pamamaraan, modelo, polisiya, at iba pa sa layuning palitan ito g mas epektibong pamamaraan. Habang isinasagawa ang pananaliksik ay bumubuo rin ng mga plano at estratehiya ang mananaliksik kung paanong makapagbibigay ng makabuluhang rekomendasyon. Kailangan din ang mga serye ng ebalwasyon kung nakakamit o hindi ang ideyal na awtput. Angkop na gamitin ang Action Research sa larangan ng edukasyon upang mapabuti ang mga programa o pamamaraan sa pagtuturo. Makabuluhan at napapanahon ito upang paghusayin pa ang nakasanayang praktika at baguhin kung may kahinaan o pagkukulang.
Halimbawa:
· Tunay nga bang epektibo ang modelong Outcome-Based Education (OBE) sa lalong pagkatuto ng mga ag-aaral ng Arkitektura?
· Anong estratehiya sa pagtuturo ang pinakaepektibo sa pagkatuto ng mga mag-aaral na may suliranin sa pandinig?
Historikal. Ang historical na pananaliksik ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pangangalap ng datos upang makabuo ng mga kongklusyon hinggil sa nakaraan. Batay sa mga datos at ebidensya, pinalalalim ang pag-unawa sa nakaraan, kung paano at bakit nangyari ang mga bagay-bagay, at ang piinagdaanang proseso kung paanong ang nakaraan ay naging kasalukuya. Mabuting gamitin ang historical na disenyo upang maglatag ng konteksto ng isang tiyak na bagay o pangyayari. Nagagamit din ito sa pagsusuri ng kalakaran o trend analysis.
Halimbawa:
· Pag-unlad ng General Eudcation Curriculum sa Kolehiyo
· Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas
Pag-aaral ng Isang Kaso/Karanasan (Case Study). Ang mga pananaliksik na nasa ganitong disenyo ay naglalayong malalimang unawain ang isang partikular na kaso kaysa magbigay ng pangkalahatang kongklusyon sa iba’t ibang paksa ng pag-aaral. Ginagamit ito upang paliitin, maging mas ispesipiko, o kaya’y pumili lamang ng isang tiyak na halimbawa mula sa isang napakalawak na paksa. Mahusay ang disenyong ito upang ipaunawa ang isang masalimuot na paksa sa pamamagitan ng detalyadong pagsusuri ng konteksto ng mga pangyayari at ugnayan ng mga ito. Angkop ding gamitin ito upang malalimang unawain ang mga ispesipiko at pambihirang kaso. Maaaring gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagkalap ng datos at iba’t ibang batis ng impormasyon ang disenyong ito. Hindi lamang limitado sa pag-aaral ng indibidwal ang uri ng pananaliksik na ito, kundi maaari ding maging pokus ang mga komunidad, institusyon, at organisasyon. Madalas na nagiging paksa ang mga institusyon gaya ng simbahan, paaralan, iba’t ibang uri ng negosyo, mga kapatiran, o kaya ay mga grupo ng homoseksuwal, adik sa droga, delingkwenteng kabataan, gang, OFWs, guro at iba pa.
Halimbawa:
· Antropolohikal na Pag-aaral ng Iglesia Watawat ng Lahi ni Prospero Covar (1978)
· Kaso ng isag doctor na piniling maging caregiver sa Estados Unidos
· Kahirapan sa Pagkatuto ng Ikalawang Wika: Kaso ng Ilang Mag-aaral ng UST na may Dalawang Pagkamamamayan
Komparatibong Pananaliksik. Ang komparatibong pananaliksik ay naglalayong maghambing ng anomang konsepto, kultura, bagay, pangyayari, at iba pa. madalas na gamitin sa mga cross-national na pag-aaral ang ganitong uri ng disenyo upang maitatag ang mga pagkakaiba at pagkakatulad sa pagitan ng mga lipunan, kultura at institusyon. Ang madalas na nagiging hamon para sa mga mananaliksik na gumagamit ng ganitong disenyo ay ang pagtatakda ng parametro ng pananaliksik sapagkat maaaring hindi gumagamit ng magkatulad na kategorya ang dalawang lipunan o kulturang pinaghahambing o kaya naman ay may ibang pagpapakahulugan sa iisang kategorya. Halimbawa, maaaring magkaiba ang depinisyon ng kabayanihan, kaligayahan, o kaya ay pagluluksa sa iba’t ibang kultura o relihiyon.
Halimbawa:
· Komparatibong pagsusuri ng mga panitikang pambata ng mga Tagalog at Bisaya.
· Komparatibong pagsusuri ng mga editorial cartoon ng Philippine Star at Philippine Daily Inquirer sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas.
Pamamaraang Nakabatay sa Pamantayan (Normative Studies). Madalas na inihahanay sa deskriptibong urii ng pananaliksik ang disenyong normative dahil naglalayon itong maglarawan ng anomang paksa. Gayunpaman, naiiba ang disenyong ito sapagkat hindi lamang simpleng deskripsyon ang layunin nito, kundi nagbibigay-diin sa pagpapabuti o pagpapaunlad ng populasyong pinag-aaralan batay sa mga tanggap na modelo o pamantayan. Madalas na bahagi ng rekomendasyon ng ganitong pananaliksik ang proyekto o pagpaplano upang makasapat o makasunod sa hinihinging batayan ng sinumang kalahok sa pananaliksik.
Halimbawa:
· Pagsusuri ng Kakayahan sa Matematika ng mga Mag-aaral ng Magsaysay High School Batay sa Itinatakkdang Kompetensi ng DepEd
· Bumababang kakayahan ng mga guro sa Ingles sa pagsasalita at pagtuturo ng wikang Ingles.
Etnograpikog Pag-aaral. Ang etnograpiya ay isang uri ng pananaliksik sa agham panlipunan na nag-iimbestiga sa kaugalian, pamumuhay, at iba’t ibang gawi ng isang komunidad sa pamamagian ng pakikisalamuha rito. Nakabatay ito sa pagtuklas ng isang panlipunang konteksto at ng mga tanong naninirahan dito sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang mga pagpapahalaga, pangangailangan, wika, kultura, at iba pa. nangangailangan ito ng matapat na pag-uulat ng naranasan o naobserbahan ng isang mananaliksik. Madalas na ginagamit na pamamaraam ang partisipasyong etnograpiko o mas kilala bilang participant observation (Reich 1998; sa pagbanggit nina Tatel 2011). Nangangailangan ito ng field study na isang pamamaraan ng pagtatala ng mga datos at pangyayari sa pamamagitan ng mga pandama (pagmamasid, pang-amoy, pandinig, o panlasa). Binibigyang-diin sa obserbasyon ang lunan o setting (para sa konteksto), mga gawain at kilos ng mga kasangkot, impormal na interaksyon, hindi nakaplanong gawain, berbal at di-berbal na komunikasyon, at iba’t ibang proseso.
Halimbawa:
· Pagpapakahulugan kay Rizal ng mga Milinaryong Kilusan sa Banahaw
Disenyong Eksploratori. Isinasagawa ang disenyong eksploratori kung wala pang gaanong pag-aaral na naisagawa tungkol sa isang paksa o suliranin. Ang pokus ito ay upang magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa isang paksa a maaaring magbigay-diin sa mas malawak at komprehensibong pananaliksik. Layunin nitong makapaglatag ng mga bagong ideya at palagay o kaya ay makabuo ng mga tentatibong teorya o haypotesis tungo sa mas malalim na pagkaunawa sa paksa.
Halimbawa:
· Panimulang Pag-unawa sa Masaker sa Mamasapano Kaugnay ng Usapang Pangkapayapaan sa Mindanao.
Ang mga nabanggit na batayang disenyo ay ilan lamang sa napakaraming uri ng pananaliksik sa iba’t ibang disiplina. Maaaring gumamit ang mananaliksik ng higit sa isang disenyo lalo’t hinihiling ito upang masagot ang suliranin ng pananaliksik.
METODOLOHIYA NG PANANALIKSIK
Ano ang metodolohiya?
Ang metodolohiya ay sistematikong kalipunan ng mga metodo o pamamaraan a proseso ng imbestigasyon na ginagamit sa pangangalap ng datos sa isang pananaliksik. Nagmula ito sa mga katagang Latin na methodus na nangangahulugang patakaran o alituntunin at logia na nangangahulugang larangan ng pag-aaral. Samakatuwid, ang metodolohiya ay tumutukoy sa isang organisadong larangan ng pag-aaral ng mga pamamaraan at tuntunin na ginagamit sa pagtuklas ng bagong kaalaman. Ang metodo ay tumutukoy sa pamamaraan ng pagtukas; ang metodolohiya naman ay kalipunan at pagkakaayos ng mga kaalamang ito.
Ano-ano ang mga mahahalagang bahagi ng metodolohiya ng pananaliksik?
Nahahati sa limang mahahalagang bahagi ang nilalaman ng metodohiya ng pananaliksik.
1. Disenyo at Pamamaraan ng Pananaliksik
Lilinawin sa bahaging ito ang disenyo ng pananaliksik at ang mga pamamaraan kung paano ito maisasakatuparan. Kung ang disenyo ay tumutukoy sa kabuuang balangkas at pagkakaayos ng pananaliksik, ang pamamaraan naman ay kung paanong mabibigyang-katuparan ang disenyo. Iba’t ibang pamamaraan ang maaaring isagawa ng isang mananaliksik batay sa itinakdang suliranin ng pananaliksik. Narito ang ilang batayang pamamaraan:
a. Sarbey. Isang metodo na ginagamit upang mangalap ng datos sa sistematikong pamamaraan sa isang tiyak na populasyon o sample ng pananaliksik. Ang sarbey ay ginagamit din sa mga siyentipikong layunin tulad ng marketing research, sikolohiya, kalusugan at medisina, at sosyolohiya. Ang tagumpay nito ay batay sa husay ng pagpili ng representatib ng buong populasyon (sampling). Kadalasang ginagamitan ng payak na questionnaire ang sarbey na hinahayaang sagutan ng mga kalahok (kadalasan sa sarili nila ngunit sa ilang pagkakataon ay ginagabayan). Madalas itong ginagamit sa mga deskriptibong pananaliksik na karaniwang nangangailangan ng mas malaking bilang ng mga tagasagot. Sinusuri ang sarbey sa pamamagitan ng iba’t ibang estadistikal na pamamaraan.
b. Pakikipanayam o interbyu. Ito ay pagkuha ng impormasyon sa isang kalahok na may awtoridad o di kaya ay may personal na pagkaunawa sa paksa ng pananaliksik, kaiba sa sarbey na naglalaman ng mga simpleng tanong, naglalayon ang pakikipanayam na kumuha ng malalim at malawak na impormasyon mula sa taong kakapanayami. Gayunpaman, may tinatawag ding structured o nakabalangkas na pakikipanayam kung saan halos eksakto o tiyak ang pagtatanong gaya ng mga nasa talatanungan na ginagamit sa sarbey. Ang kaibahan lamang ay pasalita ang pamamaraan nito at binabasa ng mananaliksik ang mga tanong sa tagasagot. Layunin nito na gawing mas malinaw sa tagasagot ang mga tanong na may kalabuan sa kanya. Ang semi-structure interview o pakikipanayam na bahagyang nakabalangkas naman ay nagbibigay ng kontrol sa mananaliksik o tagatanong sa magiging daloy ng panayam. Ginagamitan lamang ito ng mga gabay na tanong upang maging maayos at sistematiko ang daloy ng panayam ngunit hindi istrikto ang pagsunod dito at nagpapaubaya sa pagpapalalim at pagpapalawak ng tanong na nagmumula sa impormasyng ibinibigay ng kinapanayam, mahalaga sa ganitong uri ng pakikipanayam ang husay sa pagbuo ng mga kasunod at kaugnay na tanong (follow-up question) upang mapalalim ang panayam. Maaari ding unstructured o walang estruktura ang pakikipanayam. Ang layunin nito ay upang galugarin ang nararamdaman ng kalahok tungkol sa paksa ng panayam. Maaari ring maging paksa ng panayam ang kuwentong-buhay o partikular na karanasan ng kalahok. Kadalasang impormal ang paraan ng pagtatanong sa ganitong uri ng panayam. Madalas na ginagamit sa mga kuwalitatibong pananaliksik ang pamamaraang ito sapagkat hindi nasusuri sa pamamagitan ng estadistika ang datos na nagmumula rito.
Narito ang ilang paalala sa pagsasagawa ng panayam:
· Maging maagap sa itinakdang oras ng panayam.
· Ihanda ang gabay sa panayam at iba pang kakailanganing materyales gaya ng recorder, camcorder o anumang kasangkapan sa pagtatala.
· Magsagawa ng inisyal na pananaliksik tungkol sa kakapanayamin. Alamin ang mga batayang impormasyon tungkol sa kanya gaya ng buong pangalan, propesyon, organisasyon o institusyong kinabibilangan, at iba pang impormasyon na makatutulong sa mananaliksik na maunawaan ang kanyang mga tugon.
· Magsalita nang malinaw kung nagtatanong o nagpapaliwanag at maging magalang sa bawat kilos at pananalita. Maging handa na ipaliwanag ang tanong at konsepto kung malabo ito sa kinakapanayam.
· Magbigay ng simpleng token o sulat ng pasasalamat sa taong kinapanayam, hindi bilang suhol, kundi pagpapakita ng pagpapahalaga sa oras na inilaan ng kalahok.
c. Dokumentaryong Pagsusuri. Ang dokumentaryong pagsusuri ay isang pamamaraan sa pananaliksik na ginagamit upang kumalap ng impormasyon na susuporta at magpapatibay sa mga datos ng pananaliksik sa pamamagitan ng analitikal na pagbasa sa mga nasusulat na komunikasyon at mga dokumento upang malutas ang mga suliranin. Madalas na ginagamit ito bilang sekondaryang pamamaraan sa pagsusuri ng mga kaugnay na literature o kaya ay pangunahing pinagmumulan ng resulta ng pananaliksik. Ang mga uri ng dokumentong maaaring pagmulan ng pagsusuri ay mga pampublikong tala, iba’t ibang uri ng media, biyograpiya, katitikan ng mga pulong o tala ng mga pangyayari sa isang kumperensiya o kongreso, mga ulat at plano, iba’t ibang uri o genre ng panitikan at maging mga biswal na dokumento gaya ng sining biswal at iba pa.
Ang iba’t ibang uri ng dokumentaryong pagsusuri ay: pagsusuri sa nilalaman (content analysis), pagsusuring semyotiko (semiotics), pagsusuring diskorsal (discourse analysis), at interpretatibong pagsusuri (interpretative analysis).
d. Nakabalangkas na Obserbasyon at Pakikisalamuhang Obserbasyon. Ginagamit ito sa mga uri ng pananaliksik na nangangailangan ng field study gaya ng etnograpiya. Ang nakabalangkas na obserbasyon ay pagmamasid ng mananaliksik sa mga kalahok na pokus ng pag-aaral habang sistematikong itinatala ang kanilang pagkilos, interaksyon, at pag-uugali sa pamamagitan ng gabay ng obserbasyon. Maaaring maging bahagi ng tala ang lahat ng pangyayaring namamasid sa pamamagitan ng mga pandama. Bago pa man gawin ang obserbasyon, ipinaplano na ang gabay kung saan nakalagay kung ano ang mga tiyak na detalyeng hahanapin ng mananaliksik at kung paano itatala ang mga obserbasyon.
Ang pakikisalamuhang obserbasyon naman ay pag-aaral sa kilos, pag-uugali, at interaksyon ng mga kalahok sa isang likas na kapaligiran. Kasabay ng sistematikong obserbasyon, ang mananaliksik ay nakikisalamuha at nakikisali sa karaniwang mga proseso o pamumuhay ng mga tao sa isang komunidad. Makikinig at makikibahagi siya sa mga kumbersasyon at maaari ring magtanong sa mga kalahok. Ayon sa sikolohistang si Virgilio Enriquez, mahalagang isaalang-alang ang taal na kultura at sikolohiya ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng ganitong metodo kung kaya’t iminungkahi niya ang mga pamamaraang pakapa-kapa, pakikisalamuha, at pakikipagpalagayang-loob upang makakuha ng makatotohanan at makabuluhang datos mula sa mga kalahok.
2. Lokal at Populasyon ng Pananaliksik
Sa bahaging ito ng metodolohiya, nakasaad ang mga batayang impormasyon tungkol sa kalahok ng pananaliksik. Kabilang sa mga ito ay kung sino, tagasaan o kaya ay kung sa anong institusyon o organisasyon ay kaugnayan ang kalahok. Ibinibigay ang batayang impormasyon gaya ng propesyon edad, at kasarian depende sa pangangailangan ng pananaliksik. Ipinapaliwanag sa bahaging ito ang proseso ng sampling na pinagdaanan ast kung ano ang dahilan o pinagbatayan ng pamimili ng kalahok. Ilalagay rin sa bahaging ito kung saan gagawin ang pananaliksik.
Sa mga mananaliksik na walang kalahok at dokumento ang pangunahing pagkukunan ng datos, maaaring hindi na isama ang bahaging ito. Maaaring sa halip na batayang impormasyon ng kalahok ang gamitin, ay talakayin na lamang sa bahaging ito kung anong uri ng dokumento, panitikan, o anumang pagmumulan ng pagusuri ang gagamitin sa pananaliksik.
3. Kasangkapan sa Paglikom ng Datos
Sa bahaging ito ng metodolohiya, ilalahad ang uri ng kasangkapan o instrumentong gagamitin upang maisagawa ang pamamaraan ng pananaliksik. Nakabatay sa disenyo at pamamaraan ang instrumento. Halimbawa, kung magsasagawa ng pakikipanayam, kailangan ang gabay sa panayam o talaan ng mga tanong. Kung obserbasyo, kailangan din ang isang talaan o checklist na magsisilbing gabay sa mga dapat bigyang-pansin sa obserbasyon, o kung sarbey naman ay questionnaire o talatanungan. Kailangang laging nasa isip ng mananaliksik kung masasagot ng instrumento ang mga suliranin ng pananaliksik.
Binubuo ang instrumento bago ang aktuwal na pangangalap ng datos. Nagsisilbing bahagi ng apendiks ng pananaliksik ang mismong talatanungan, checklist, o anumang gabay. Sa mismong pananaliksik kung saan tinatalakay ang metodolohiya, kailangang ipaliwanag ng mananaliksik ang pangkalahatang nilalaman, pagkakahati, at balangkas ng instrumento.
4. Paraan ng Paglikom ng Datos
Nilalaman naman ng bahaging ito ang hakbang-haakbang na plano at proseso sa pagkuha ng datos. Maaaring gumawa ang mananaliksik ng dayagram upang maipakita ang mga hakbang sa pangangalap ng datos, o kaya ay ilahad na lamang ang mga ito.
5. Paraan sa Pagsusuri ng Datos
Kung kuwantitatibo ang pananaliksik, nakapaloob sa bahaging ito ang iba’t ibang estadistikal na pamamaraan para sa kompyutasyon at pagsusuri ng datos. Kung kuwalitatibo naman, madalas na tinutukoy rito kung paanong isasaayos at bubuuin ang mga kategorya o maliliit na paksa na magpapaliwanag sa mga datos na nakalap. Ilalagay rin sa bahaging ito kung paano gagawing sistematiko ang presentasyon ng datos para sa mas madaling interpretasyon at pagsusuri.
PAGLALAHAD NG RESULTA NG PANANALIKSIK
Maituturing na isa sa pinakamahalagang bahagi ng pananaliksik ang paglalahad ng resulta at pagtalakay nito. Ito ang nagpapakita ng kontribusyon ng mananaliksik sa pag-unlad ng kaalaman sapagkat binibigyan niya ng panibagong pagsusuri ang mga orihinal na datos na nalikom sa pananaliksik.
Ayon kina Catherina Marshall at Gretchen Rossman (1990) sa aklat na “Designing Qualitative Research”, ang pagsusuri ng datos ay binubuo ng pagsasaayos, kategorisasyon at pagsisiyasat ng mga ebidensya upang mapatunayan o mapasubalian ang inisyal na mga proposisyon ng pag-aaral. Ito ay proseso ng pagbibigay ng kaayusan o estruktura sa napakaraming datos na nakolekta sa mga naunang bahagi ng pananaliksik. Makikita sa bahaging ito ang kinalabasan ng pag-aaral, pagsusuri, at ng interpretasyon nito.
Presentasyon ng Datos
Bago ang presentasyon ng datos, mahalagang gawin muna ang proseso ng tabulasyon o pagsasaayos ng impormasyong nakalap. Pangunahing hakbang dito ang paglikom at pagbilang ng mga bumalik na datos mula sa ipinamahagging talatanungan, transkripsyon ng naganap na pakikipanayam, o pag-aayos ng mga tala mula sa obserbasyon. Mula sa pag-aayos, kailangang alisin ang mga talatanungan na hindi maayos o may kulang na sagot ng kalahok. Sa mga tala at transkripsyon, maaari nang alisin ang mga tugon na walang kabuluhan sa magiging pagsusuri. Kailangang itala ng mananaliksik ang mga hakbang na ito. Kapag nasala na, maaari nang simulant ang tallying sa pamamagitan ng paglalapat ng datos sa working tables o iba pag paraan ng organisasyon batay sa pagsusuring gagawin. Pagkatapos nito ay ginagawa ang pinal na talahanayan, chart o anumang uri ng presentasyon ng datos.
Ano-ano ang mga paraan ng paglalahad ng resulta?
Magkaiba ang pamamaraan sa presentasyon ng datos para sa kuwantitatibo at kuwalitatibong uri ng pananaliksik. Sa kuwantitatibong pananaliksik, ang dalawang pangunahing paraan ng presentasyon ay sa pamamagitan ng graph, talahanayan o chart.
Ang talahanayan ay ang pinakasimpleng paraan ng pagbubuod ng mga obserbasyon. Naglalaman ito ng mga tiyak na datos gaya ng mga numero, bahagdan, at iba pa na maaaring pagmulan ng kalakaran o paghahambing.
Ang mga graph at chart naman ay biswal na presentasyon ng mga numero o bahagdan na maaaring magpakita ng kabuuang padron, ugnayan, o kalakaran batay sa uri nito. Ang bar graph ay kadalasang nagpapakita ng mga datos na nasa iba’t ibang kategorya o kaya ay paghahambing.
Ang pie chart ay nagpapakita ng bahagdan o pagkakahati-hati ng bawat bahagi.
Anuman ang mapiling paraan ng presentasyon ng datos ay kinakailangang maging payak at madaling maunawaan ito. Upang agad na maunawaan ng babasa ang talahanayan o graph, kailangang ilagay ang titulo, pinagmulan ng datos, angkop na grid at kung sino ang kalahok na pinatutungkulan ng datos. Maaari ring maglagay ng maikling tala kung mahihirapan ang mambabasa na unawain ang dayagram.
Sa mga kuwalitatibong pananaliksik, mas madalas na gamitin ang hindi nakabalangkas na paraan ng presentasyon. Kadalasang umaasa ang mananaliksik sa husay ng paglalahad ng mga natuklasan. Upang mas sistematiko ang paglalahad ng resulta, inoorganisa ang pagtalakay sa pamamagitan ng paulit-ulit na mga tema o paksang lumalabas mula sa datos. Maaaring gumamit ng checklist o anumang balangkas sa obserbasyon upang mapadali ang paghahanap ng mga temang ito. Maaari ring bumuo ng iba’t ibang kategorya ng datos ang mananaliksik upang hindi maging sabog ang pagtalakay. Madalas nab ago pa man ayusin ang datos o binubuo pa lamang ang kasangkapan ay may paunang natukoy nang mga kategorya ang mananaliksik.
Ang mga talahanayan at graph ang pinagmumulan ng pagtalakay at pagsusuri. Ang mahahalagang talahanayan na mas makapaglilinaw sa nais sabihin ng pananaliksik ay dapat maging bahagi ng diskusyon. Ang mga talahanayan naman na hindi gaanong mahalaga ngunit makatutulong sa lalong pag-unawa ng pananaliksik ay nilalagay sa apendiks. Kailangang isaisip ng mananaliksik na walang istandard o istriktong pamamaraan sa presentasyon ng datos. Mananaliksik ang magpapasya nito batay sa suliranin at kabuuang disenyo ng pananaliksik.
Pagsusuri at Interpretasyon ng Datos
Kapag naiayos na ang mga datos at nakabuo ng mahalagang impormasyon sa pamamagitan ng sistematikong presentasyon, tutuloy na ang proseso sa interpretasyon ng datos. Ayon kina Graham Hitchcock at David Hughes (1995) sa aklat na “Research and the Teacher: A Qualitative Introduction to School-Based Researcg,” ang interpretasyon ay isang paraan kung saan ang mananaliksik ay umuusad mula sa deskripsyon ng kung ano ang kaso tungo sa pagpapaliwanag kung bakit naging kaso ito. Ibig sabihin, kung sa presentasyon ay sinasagot ng mananaliksik ang tanong na “ano”, mas binibigyang-diin naman niya sa intrepretasyon ang tanong na “bakit”. Sa bahaging ito, kailangang isaalang-alang ang kabuluhan ng mga impormasyong natuklasan – potensyal na mga dahilan na nagbunsod sa impormasyon at mga posibleng susunod na hakbang o rekomendasyon. Binibigyan ng kahulugan ang impormasyon, bumubuo ng mga ugnayan at paghahambing, at tinutukoy ang mga sanhi at posibleng kahihinatnan.
Sa bahaging ito, binibigyang-diin ng mananaliksik ang mahahalagang impormasyon na ipinakikita ng mga ebidensyang nakalap at ipiinaliliwanag ang mga pagkakaugnay nito. Kailangang ipaliwanag ang sinasabi ng datos at hindi basta na lamang uulitin ang nakalagay sa talahanayan. Kailangan din na idagdag ang mga dahilan at epekto at kung kinukumpirma nito o hindi ang haypotesis ng pag-aaral. Ginagamit sa bahaging ito ang teoretikal na gabay at mahahalagang kaisipan mula sa konseptuwal na balangkas upang gabayan sa pagsusuri ang mananaliksik. Mahalaga ring iugnay ito ng mananaliksik sa iba pang naisagawang pag-aaral at ang kinalabasan nito upang suportahan o kaya ay pasubalian ang kinalabasan ng pananaliksik. Iwasan ang mapanlahat na pahayag o sweeping statements. Ito ay ang mga pahayag na walang basehan. Mahalaga ang cross-referencing o pag-uugnay-ugnay ng mga resulta mula sa iba’t ibang bahagi ng pagtalakay.
Maaaring suriin ng mananaliksi ang mga datos sa talahanayan o graph sa pamamagitan ng:
1. Pagtukoy sa mahalagang datos sa talahanayan. Hindi kailangang basahin ang lahat ng value o numero na makikita sa talahanayan. Ilagay lang ang pokus ng mambabasa sa mahahalagang resulta. Halimbawa, ano ang pinakamataas o pinakamababang ranggo sa mga aytem o kaya ay mahahalagang punto ng paghahambing sa dalawang grupo ng kalahok. Mula sa mahahalagang value na ito, nagsisimula ang pagsusuri.
2. Pagpapaliwanag ng mga posibleng dahilan mula sa local na konteksto ng mga kinalabasan sa talahanayan o graph.
3. Pagsusog o pagpapasubali sa haypotesis batay sa kinalabasan ng pag-aaral.
4. Pag-uugnay ng mga impormasyon sa iba pang bahagi ng resulta at pagtalakay o cross-referencing.
5. Pag-uugnay ng kinalabasan sa iba pang pag-aaral o literatura.
PAGSISINOP NG TALA AT BIBLIYOGRAPIYA
Ang kabuuan ng pagtalakay sa pananaliksik ay kinapapalooban ng iba’t ibang pagbanggit sa mga kaugnay na konsepto, teorya, o kinalabasan ng ibang pananaliksik na nagpapatibay sa nais patunayan ng isinasagawang pag-aaral. Mahalaga ang masinop na dokumentasyon upang kilalanin ang mga pinagmulan ng ideya at batis ng impormasyon na ginamit sa buong pananaliksik.
Sa pamamagitan ng maayos na pagtatala ng mananaliksik, nabibigyan ng impresyon ang mga mambabasa na komonsulta ang mananaliksik sa mga eksperto sa paksa ng pag-aaral at sumangguni sa mga pinakabago at mapagkakatiwalaang daluyan upang patibayin ang kongklusyon ng pananaliksik. Bukod sa paglalatag ng kredibilidad ng pananaliksik, mahalaga ring ibigay ang karampatang pagkilala sa pinaghiraman ng ideya para sa argumentasyon. Tinalakay na naunang mga aralin ang halaga ng pagsasagawa ng etikal na pananaliksik at pag-iwas sa plagiarism. Ayon kay Maceda sa kanyang artikulo hinggil sa plagiarism, maihahalintulad ang tamang pagkilala sa pinagmulan ng ideya sa paniniwala sa “utang na loob” ng mga Pilipino. Dahil sa tinulungan ka ng mga iskolar na naunang nag-isip at nanaliksik tungkol sa iyong paksa, ang maayos na pagkilala sa kanila at sa kanilang ideya ang tanging paraan ng pagbabayad ng utang na loob. Sa pamamagitan din ng maayos na dokumentasyon, nagbibigay ng impormasyon ang mananaliksik tungkol sa mga aklat o artikulo na ginamit na maaaring makatulong sa mga magbabasa o susunod na mananaliksik kung nais nilang palalimin pa ang pagkaunawa sa isang tiyak na impormasyon.
Nagsisimula ang dokumentasyon sa simula pa lamang ng pananaliksik at magpapatuloy hanggang sa rebisyon at editing. Tungkulin ng mananaliksik ang maingat na pagtatala ng lahat ng sangguniang ginamit at eksaktong materyales na pinagmulan ng mga ito. Kailangang tiyakin din ang katumpakan ng dokumentasyon sa iba’t ibang antas ng pananaliksik. Ano-ano ang kailangang itala ng isang mananaliksik? Bahagi ng dokumentasyon ang anumang direktang sipi, maging isang parirala o mahalagang termino na hinalaw mula sa pag-aaral ng ibang tao. Bahagi rini ng pagtatala kung aling bahagi at anong uri ng pagkalathala nagmula ang ideyang pinaghahalawan. Kailangan ding itala ang paraphrase o buod ng anomang nalathalang ideya ng isang tao o kung bahagi ito ng isang pasalitang ulat, presentasyon, o panayam. Anumang opinyon o pananaw, pasalita man o pasulat, ay kailangang itala lalo na’t hindi mo makukuha ang pananaw na ito kung hindi ka nakinig o sumanggunit sa pinagmulan ng ideya. Anong estadistikal na datos na hindi ibinunga ng sarili mong pananaliksik at hindi mo isiinaayos ay kailangan ding kilalanin. Gayundin, nangangailangan ng sapat na pagkilala ang anomang biswal gaya ng larawan, guhit, dayagram, talahanayan, tsart, at iba pa na hindi mo personal na ginawa.
Sa kabuuan, nahahati sa dalawang uri ang dokumentasyon sa pananaliksik. Ang una ay tinatawag na parenthetical o in-text citation o yaong pagkilala sa awtor sa loob ng papel o mismong pagtalakay; ang ikalawa naman ay ang dokumentasyon sa pamamagitan ng talababa (footnote) at talahuli (endnote). May iba’t ibang estilo rin ng dokumentasyon; ang estilong Modern Language Association (MLA) at American Psychological Association (APA).
Pagsisinop ng Tala at Bibliyograpiya sa APA (American Psychological Association)
Ang estilong APA ay kadalasang ginagamit sa mga siyentipikong pananaliksik sa larangan ng sikolohiya, medisina, agham panlipunan at iba pang mga teknolohikal na larangan. Ang ikaanim at pinakabagong edisyon ng estilong APA ay matatagpuan sa Publication Manual of the American Psychological Association (2009). Para sa dagdsag pang impormasyon, maaaring sumangguni sa manwal na ito. Narito ang pangkalahatang katangian at pamamaraan ng dokumentasyong APA.
Kapag gumagamit ng pormat na APA, sinusunod ang pagkilala na nasa loob ng mismong teksto o in-text citation kung saan tinutukoy ang awtor at taon ng pagkalathala. Ibig sabihin, ang apelyido ng awtor at taon ng publikasyon ay nasa loob mismo ng teksto, halimbawa (Dela Cruz, 2014), ngunit ang kabuuang detalye ng sanggunian ay matatagpuan sa listahan ng bibliyograpiya sa huling bahagi ng papel. Kung hinahalaw naman ang ideya ng ibang awtor ngunit hindi ka direktang sumisipi sa isang tiyak na materyal o kaya ay sumasangguni sa buong libro, artikulo, o iba pang gawa, kailangan pa ring kilalanin ang awtor at ang taon ng publikasyon nang hindi na tinutukoy ang tiyak na pahina. Ang lahat ng binanggit na sanggunian sa loob ng papel ay kailangang isama sa listahan ng bibliyograpiya.
Pagtatala ng Maikling Sipi
Kung direktang sumisipi sa tiyak na gawa ng isang manunulat, kailangang isama sa pagbanggit ang pangalan ng awtor, taon ng publikasyon, at bilang ng pahina para sa sanggunian. Ipinakikila ang sipi sa pamamagitan ng isang panandang diskurso na naglalaman ng apelyido ng awtor na sinusundan ng petsa ng publikasyon na nasa loob ng saknong.
Ayon kay Lumbera (2000), “Ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institusyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag.” (p. 130)
Kung hindi naman ipinakilala ang awotr sa panandang diskurso, inilalagay ang apelyido ng awtor, taon ng publikasyon, at bilang ng pahina sa loob ng saknong pagkatapos ng sipi.
Inilinaw niya na “Ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institusyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag.” (Lumbera, 2000, p.130)
Pagtatala ng Mahabang Sipi
Ilagay ang mahabang sipi, na naglalaman ng 40 salita pataas, sa hiwalay na talata at alisin na ang panipi. Simulant ang sipi sa panibagong linya na may kalahating pulgadang margin mula sa orihinal na margin ng dokumento. Ang pagbanggit ay inilalagay pagkatapos ng panapos na bantas ng pangungusap.
Inilinaw ni Lumbera (2000) ang halaga ng wikang pambansa para sa inklusyon ng mayorya ng sambayanang Pilipino sa sumusunod: na
Ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institusyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag. Ang milyon-milyong mamamayang iyan ang hindi nakapagrereklamo kapag sila’y pinagsasamantalahan, hindi nakapaghahain ng kanilang mga katwiran kapag sila’y niyuyurakan, at hindi nakapaggigiit ng kanilang mga karapatan kahit na sila ang nasa tama. Kailangan nila ang wikang magiging daluyan ng kanilang mga hinaing, pangangatwiran at pagsasakdal, at ang wikang pambansa ang makapagdudulot nito sa kanila. (p. 130)
Buod o Paraphrase
Kapag naman nagbubuod o nagpa-paraphrase mula sa isang tiyak na gawa ng manunulat, kailangang banggitin ang awtor at taon ng publikasyon sa loob ng teksto. Hindi rekisito na ilagay pa ang pahinang pinagmulan ng buod o paraphrase ngunit makabubuti kung titiyakin din ang impormasyong ito.
Pagbanggit sa Higit na Isang Awtor
Pagbanggit sa dalawang awtor. Ang pangalan ng dalawang awtor ay kailangang banggitin sa panandang diskurso at maging sa loob ng saknong tuwing kikilalanin ang kanilang akda. Ginagamit ang “at” sa pagitan ng mga apelyido ng awtor kung nasa loob ng teksto at ampersand (&) naman kung nasa loob ng panaklong.
Pagbanggit sa tatlo hanggang limang awtor. Ilista ang pangalan ng lahat ng awtor sa panandang diskurso sa unang pagkakataon na tukuyin ang sanggunian. Ginagamit ang “at” sa pagitan ng mga apelyido ng awtor kung nas aloob ng teksto at ampersand (&) naman kung nasa loob ng panaklong.
Sa mga susunod panang pagbanggit, tanging ang apelyido na lamang ng unang awtor na sinusundan ng et al. ang inilalaga sa panandang diskurso sa loob ng saknong.
Pagbanggit sa Akdang Hindi Tiyak ang Awtor
Kapag ang akda ay walang awtor, banggitin ang sanggunian sa pamamagitan ng pamagat ng akda sa panandang diskuro at gamitin ang una hanggang dalawang salita ng pamagat sa loob ng saknong. Ang pamagat ng libro ay may salungguhit habang ang pamagat ng artikulo kabanata, o web page ay nasa loob ng panipi.
Tinalakay sa mga artikulo ang halaga ng pagpapalakas sa wikang pambansa sa integrasyong sosyo-kultural ng ASEAN (HASAAN Journal, 2014).
Napapanahon ang pagpapalas ng wikang Filipino sa integrasyong ASEAN (“Hamon ng ASEAN,” 2014).
Organisasyon Bilang Awtor
Kapag ang awtor ay organisasyon o ahensya ng gobyerno, banggitin ang pangalan ng organisasyon sa panandang diskurso at sa loob ng saknong sa unang pagkakataon.
Napapanahon ang pagpapalakas ng wikang Filipino sa integrasyong ASEAN (Sanggunian sa Filipino, 2014).
Binigyang-diin ng Sanggunian sa Filipino (2014) ang halaga ng pagpapalakas ng wikang Filipino sa integrasyong ASEAN.
Kapag ang pangalan ng organisasyon ay may kilalang daglat o pagpapaikli, ilagay ang pagpapaikli sa loob ng bracket sa unang pagkakataon ng pagbanggit at gamitin na lamang ang pagpapaikli sa mga susunod na pagbanggit.
Unangg pagbanggit: (Sanggunian sa Filipino [SANGFIL], 2014)
Ikalawang pagbanggit: (SANGFIL, 2014)
Pagbanggit sa mga Personal na Komunikasyon
Para sa mga panayam, sulat, e-mail, o iba pang personal na komunikasyon, banggitin ang pangalan ng nagbigay ng impormasyon at ang petsa ng komunikasyon. Hindi na kailangang ilagay sa talaan ng sanggunian ang mga personal na komunikasyon.
Magkakaroon ng pambansang kumperensya hinggil sa integrasyong ASEAN ang Sanggunian sa Filipino (R. Correa, personal na komunikasyon, Pebrero 14, 2015).
Ayon kay Ramil Correa, magkakaroon ng pambansang kumperensya hinggil sa iintegrasyong ASEAN ang Sanggunian sa Filipino (personal na komunikasyon, Pebrero 14, 2015).
Pagbanggit sa Hindi Direktang Sanggunian
Kung gagamit ng sanggunian na binanggit sa iba pang sanggunian, kailangang kilalanin ang orihinal na pinagkunan ng ideya sa panandang diskurso. Itala lamang ang sekondaryang sanggunian sa talaan ng bibliyograpiya kung ito lamang ang sinangguni at isama rin sa loob ng saknong.
Binigyang-diin ni San Juan ang halaga ng … (sa pagbanggit ni Geronimo, p. 100).
Elektronikong Sanggunian
Kung posible, binabanggit din ang mga elektronikong sanggunian gaya ng iba pang dokumento sa pamamagitan ng apelyido ng awtor at taon ng pagkalathala.
Ayon kay Tolentino (2011)…
Ngunit kung hindi tiyak ang awtor at petsa ng pagkalathala, ginagamit ang una hanggang dalawang salita sa pamagat ng artikulo sa panandang diskurso at ginagamit ang “n.d.” para tukuyin ang kawalan ng petsa.
Ang pag-aaral ay nagpapakita na … (“Pananaliksik,” n.d.).
Pagsulat ng Bibliyograpiya (APA)
Ang talaan ng sanggunian ay nasa pinakahuling bahagi ng papel-pananaliksik. Dito makikita ang mga impormasyon na kailangan upang mahanap ang lahat ng sanggunian na ginamit sa katawan ng pananaliksik. Lahat ng binanggit na ideya at impormasyon mula sa ibang sanggunian ay kailangang isama sa talaang ito. Gayundin, lahat ng sangguniang nakatala rito ay kailangang yaong ginamit lamang sa loob ng papel. Ang sanggunian ay isinusulat sa panibagong pahina at nakahiwalay sa mismong teksto ng papel-pananaliksik. Nilalagyan ito ng titulong “Talaan ng Sanggunian” o “Bibliyograpiya” na nakalagay sa gitnang itaas na bahagi ng papel. May ilang pagkalahatang gabay sa pagsulat ng bibliyograpiya sa estilong APA:
1. Lahat ng linya pagkatapos ng unang linya sa bawat sanggunian ay nakapasok o indented na may kalahating pulgadang sukat. Tinatawag itong hanging indention.
2. Baligtad ang pagkakasulat g lahat ng pangalan ng awtor (apelyido muna kasunod ang daglat ng unang pangalan). Itinatala ang pangalan ng lahat ng awtor hanggang pito, ngunit kapag ang akda ay may awtor na sobra sa pito, ilista lamang ang hanggang anim na awtor at gumamit ng ellipses (…) pagkatapos ng ikaanim na pangalan. Pagkatapos ng ellipses, ilista ang pinakahuling awtor ng akda.
3. Kailangang alpabetikal ang pagkakaayos ng mga sanggunian batay sa apelyido ng unang awtor ng bawat sanggunian.
4. Para sa higit sa isang artikulo na isinulat ng iisang awtor, ilista ang mga sanggunian sa kronolohikong paraan, mula sa pinakaluma hanggang pinakabagong petsa ng publikasyon.
5. Itala ang buong pangalan ng journal at panatilihin ang orihinal na paraan ng pagbaybay, paggamit ng maliit o malaking letra at bantas na ginamit sa pamagat ng journal.
6. Isulat sa malaking letra ang lahat ng pangunahing salita sa mga pamagat ng journal.
7. Kapag itinatala ang mga libro, kabanata, artikulo, o web page, isulat sa malaking letra ang lahat lamang ng unang salita sa pamagat at ikalawang pamagat, ang unang salita pagkatapos ng tutuldok at gitling, at lahat ng pangalang pantangi na matatagpuan sa pamagat.
8. Isulat sa italics ang pamagat ng mahahabang akda gaya ng pamagat ng buong libro o journal.
9. Huwag isulat sa italics, salungguhitan, o lagyan ng panipi ang mga pamagat ng maiikling akda gaya ng mga artikulto sa journal o sanaysay sa isang koleksyon.
Narito ang mga tiyak na pamantayan at halimbawang pagsulat ng bibliyograpiya sa iba’t ibang uri ng materyales.
Aklat
Lumbera, B. (2000). Writing the nation: Pag-akda ng bansa. Quezon City: University of the Philippines Press.
Aklat na Pinamatnugutan (Edited)
Torres-Yu, R.. (Ed.) (1980). Panitikan at kritisismo. Quezon City: National Book Store.
Inilalagay ang daglat na Ed. Sa loob ng mga saknong upang tukuyin na patnugot at hindi manunulat ang awtor ng akda.
Isinaling Akda
Pomeroy, W. (1997). Ang gubat: Isang personal na record ng pakikibakang gerilya ng mga Huk sa Pilipinas. (R. Sicat, tagasalin). Quezon City: University of the Philippines Press. (Orihinal na nalathala noong 1963)
Para sa mga akdang hindi isinalin, mahalagang tukuyin din ang petsa ng pagkalathala ng orihinal na akda. Inilalagay bilaw awtor ang orihinal na awtor ngunit tinutukoy rin sa loob ng mga panaklong ang tagasalin at nilalagyan ng salitang “tagasalin” pagkatapos.
Artikulo o Kabanata mula sa Pinamatnugutang Aklat
Tiongson, N. (2006) Ang paghuli sa Adarna: Tungo sa isang pamantayang pangkultura. Na kay R. Torres-Yu (Ed.), Kilates: Panunuring pampanitikan ng Pilipinas (pp. 36-43). Quezon City: University of the Philippines Press.
Kapag isang kabanata o artikulo lamang sa isang aklat ang ginamit, ilagay rin ang tiyak na pahina kung saan matatagpuan ang artikulo pagkatapos ng daglat na pp.
Akdang Maraming Tomo (Volume)
Torres-Yu, R. (Ed.) (1980). Panitikan at kritisismo (Tomo 1-2). Quezon City: National Book Store.
Tinutukoy sa loob ng mga panaklong pagkatapos ng pamagat ng aklat ang tiyak na tomo o bahagi ng akdang ginamit.
Introduksyon, Paunang Salita, at Panapos na Bahagi ng Aklat
Yabes, L. (1980). Paunang salita. Na kay R. Torres-Yu (Ed.) Panitikan at kritisismo (p. vi). Quezon City: National Book Store.
Sinusunod pa rin ang pormat sa pagtatala para sa aklat ngunit inilalagay kung ito ay paunang salita, introduksyon o panapos na salita, inilalagay ang pinagmulang aklat at tinitiyak ang pahina kung saan ito matatagpuan.
Artikulo sa Journal na may Iba’t Ibang Tomo
Rodriguez, R. (2013). Representasyon ng pagkalalaki sa pelikulang Bakbakan ni FPJ. Plaridel: A Philippine Journal of Communication, Media, and Society, Volume 10, Number 2.
Artikulo mula sa Magasin
Arceo, L. (1943, May 8). Uhaw ang Tigang na Lupa. Liwayway, p. 120, 20-28.
Artikulo mula sa Pahayagan
Alonso, R. (2009, Marso 1). POW returns book borrowed 68 years ago. Philippine Sunday Inquirer, p. 20A.
Artikulo mula sa Pahayagang Online
Jose, F.S (2011, Sept. 12). Why we are shallow. Philstar.com. Kinuha mula sa http://wwww.philstar.com/arts-and-culture725822/why-we-are-shallow.
Para sa lahat ng sangguniang nakukuha mula sa internet, mahalagang ilagay ang tiyak na URL (uniform resource locator) kung saan eksaktong nakula ang artikulo.
Artikulo mula sa Online Journal
Petras, Jr. (2014, Abril). Motibasyon at atityud sa paggamit ng wikang Ingles sa Pilipinas at ang implikasyon nito sa Filipino bilang wikang pambansa: Panimulang pagtalakay sa sikolohikal na aspekto ng pagpaplanong pangwika. MALAY, Vol. 26, No.2. Nakuha mula sa http://ejournals.ph/index.php?journal=malay&page=article&op=viewArticle&path%5B%5D=7524
Elektronikong Aklat (e-book)
De Castro, M. (1864). Pagsusulatan nang dalauang binibini na si Uraba at Feliza. (R. Baquiran, ed.). Nakuha mula sa https//www.goodreads.com/book/show/16075841-pagsusulatan-nang – dalauang-binibini-na-si-urbana-at-feliza
Online na Panayam
Butler, C. (Interviewer) & Stevenson, R. (Interviewee). (1999). Oral History 2 [Interview transcript]. Retrieved from Johnson Space Center Oral Histories Project Web site: http://www.11.jsc.nasa.gov/history/oral_histories/oral_histories.htm
Blog
Tolentino, R. (2012, Agosto 28). Orkestradong kilig sa romantikong komedi (Weblog). Nakuha mula sa https://rolandotolentino.wordpress.com/2012/08/28/orkestradong-kilig-sa-romantikong-komedi/
Pagsisinop ng Tala at Bibliyograpiya sa MLA (Modern Language Association)
Kung ang estilong APA sa dokumentasyon ay ginagamit sa mga siyentipikong pananaliksik sa mga larangan ng medisina at agham panlipunan, ang estilong MLA (Modern Language Association) naman ay angkop gamitin sa mga pananaliksik na nakalinya sa disiplina ng panitikan at iba pang malalayang sining at humanidades. Maaaring makita ang kumpletong gabay sa dokumentasyong ito sa MLA Handbook for Writers of Research Papers (7th Edition) at sa MLA Style Manual and Guide to Scholaryly Publishing (3rd Edition)
Sa estilong MLA, ang pagbanggit at pagkilala sa akda ng iba ay isinasagawa sa sariling pananaliksik sa pamamagitan ng parenthetical citation o paggamit ng panaklong kung saan kadalasang nakapaloob ang pangalan ng awtor at ang pahina ng aklat kung saan sinipi o nakuha ang impormasyon. Gaya sa APA, anumang pagbanggit na ginawa sa katawan ng pananaliksik ay kailangang itala sa talaan ng bibliyograpiya na makikita sa hulihan ng papel-pananaliksik. Works Cited List ang tiyak na terminong gamit ng MLA para sa bahaging ito.
Estilong awtor-pahina sa pagbanggit sa loob ng teksto
Sa estilong MLA, mahalaga ang metodong awtor-pahina sa pagbanggit ng mga direktang sipi o buod na hinalaw mula sa ibang aklat. Ibig sabihin, ang apelyido ng awtor at tiyak na pahina o mga pahina kung saan nakuha ang sipi o paraphrase ay kailangang ilagay sa mismong teksto ng pananaliksik. Sa pagtalakay, maaaring ang pangalan ng awtor ay nasa bahagi ng panandang diskurso na sinusundan ng sipi ngunit ang bilang ng pahina o mga pahina ay laging nasa loob ng mga panaklong at hindi bahagi ng pangungusap.
Halimbawa:
Inilinaw ni Lumbera na “ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsasatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institustyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag”(130).
Ipinaliwanag niya na “ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsasatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institustyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag” (Lumbera 130).
Binigyang-diin ni Lumbera na mahalagang paunlarin ang isang wikang pambansa na magagamit ng karaniwang mamamayan upang makibahagi sa mga panlipunang diskurso (130).
Mahalagang paunlarin ang isang wikang pambansa na magagamit ng karaniwang mamamayan upang makibahagi sa mga panlipunang diskurso (Lumbera 130).
Sa mga halimbawa, makikita sa direktang sipi at paraphrase na nagbibigay ng impormasyon ang pagbanggit na makikita sa pahina 130 ng aklat ni Lumbera. Ang ideya sa ganitong uri ng pagbanggit ay, kung nais pang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa ng isang tagabasa sa sinabi ni Lumbera, maaari siyang pumunta sa talaan ng bibliyograpiya at hanapin ang tiyak na sanggunian sa ilalim ng pangalan ni Lumbera, kung saan maaari niyang makita ang sumusunod na impormasyon:
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation: Pag-akda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000. Nakalimbag.
Pagbanggit sa Akda na may Higit sa isang Awtor
Para sa mga akdang may dalawa hanggang tatlong awtor, maaaring ilista ang mga apelyido ng awtor sa mismong teksto o sa loob ng saknong.
Ang pananaliksik nina Geronimo, San Juan, at Zafra ay nagpapakita ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 sa kurikulum sa kolehiyo (85). Nagpapakita ang pananaliksik ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 kurikulum sa kolehiyo (Geronimo, San Juan, at Zafra 85). |
Para sa mga akdang may higit pa sa tatlong awtor, maaaring gamitin ang impormasyong bibliyograpikal para maging gabay ng pagbanggit. Maaaring ilaga ang apelyido ng unang awtor na sinusundan ng et al. o kaya ay isa-isang ilista ang lahat ng apelyido ng mga awtor.
Ang pananaliksik nina Geronimo et al. ay nagpapakita ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 sa kurikulum sa kolehiyo (85). Nagpapakita ang pananaliksik ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 sa kurikulum sa kolehiyo (Geronimo et al. 85). Ang pananaliksik nina Geronimo, San Juan, at Zafra ay nagpapakita ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 sa kurikulum sa kolehiyo (85). |
Pagbanggit ng mga Sanggunian na Hindi Nakalimbag o mula sa Internet
Kapag binabanggit ang impormasyon mula sa elektroniko o iba pang sanggunian sa internet, kailangang maging malinaw itong gabay papunta sa kumpletong impormasyon ng akda sa listahan ng bibliyograpiya. Madalas na nakalilito ang pagbuo ng parenthetical citations para sa mga sanggunian mula sa internet dahil sa kawalan ng bilang ng pahina. Narito ang ilang gabay sa pagbanggit ng mga elektronikong sanggunain:
1. Ilagay ang mga unang salitang makikita sa listahan ng bibliyograpiya na katapat ng pagbanggit (hal., apelyido ng awtor, pamagat ng artikulo, at pangalan ng website)
2. Hindi kinakailangang magbigay ng anumang bilang ng pahina o bilang ng talata.
3. Kung kailangang ilagay ang pangalan ng websie kung saan nakuha ang sanggunian, hindi kailangang ilagay sa oob ng teksto ang buong URL. Maaaring paikliin ang URL. Halimbawa, sa halip na ilagay ang http://www.philstar.com ay ilagay na lamang ang Philstar.com para tukuyin ang pangalan ng website.
Ayon sa artikulo, isa sa mga posibleng dahilan ng kababawan ng mga Pilipino ang “kawalan ng kultura ng pagbabasa sa bansa” (Jose, “Why we are Shallow”). Ayon sa artikulo, isa sa mga posibleng dahilan ng kababawa ng mga Pilipino ang “kawalan ng kultura ng pagbabasa sa bansa” (Jose, Philstar.com), Sinuhayan ng mga iskolar ang pananaw ni F. Sionil Jose (Geronimo et al.) |
Maramihang Pagbanggit
Maraming pananaliksik ang nagpapakita ng komprehensibong pagsusuri sa epekto ng K – 12 sa kurikulum sa kolehiyo (Geronimo 85; San Juan 70).
Kailangang maging malinaw rin sa isang mananaliksik kung kalian hindi na niya kailangang banggitin pa ang pinagmulan ng impormasyon. Ididikta ng etika at sentido komun ng isang mananaliksik na ang mga pamilyar na kaalaman gaya ng kasabihan, kilalang sipi, at pangkalahatang kaalaman gaya ng lugar, pangalan ng tao, at ilang impormasyon sa kasaysayan ay hindi na kailangan pa ng sanggunian.
Pagsulat ng Bilbliyograpiya (MLA)
Gaya rin ng APA, mahalaga ang talaan ng sanggunian para sa estilong MLA lalo na at ang mga pagkilala at sipi na makikita sa loob ng teksto ay kailangang malinaw na nakaugnay at gagabay sa mga mambabasa patungo sa talaan ng bibliyograpiya kung saan matatagpuan nila ang kompletong impormasyon tungkol sa mga sangguniang ginamit sa pananaliksik. May pangkalahatang kaayusan ang pagsulat ng bibliyograpiya sa estilong MLA:
1. Ilagay ang pahina ng sanggunian sa hiwalay na pahina sa pinakahuling bahagi ng papel-pananaliksik. Kagaya ng kabuuang format ng papel ang paraan ng pagkakasulat ng sanggunian.
2. Ipasok (hanging indent) ang ikalawa at mga susunod pang linya ng bawat aytem sa listahan ng sanggunian.
3. Ilista ang lahat ng bilang ng pahina ng mga sanggunian sa masinop na paraan kung kinakailangan.
Narito ang mga tiyak na pamantayan at halimbawang pagsulat ng bibliyograpiya sa iba’t ibang uri ng materyales.
Aklat
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation: Pag-akda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000. Nakalimbag.
Mahalagang tukuyin pagkatapos ng mga impormasyon ang uri o medium ng publikasyon.
Aklat na may Higit Dalawang Awtor
Torres-Yu, Rosario, at Alwin Aguirre. Sarilaysay: Danas at Dalumat ng mga Lalaking Manunulat sa Filipino. Quezon City: University of the Philippines Press, 2004. Nakalimbag.
Nauuna ang apelyido ng unang awtor habang ang ikalawang awtor naman ay unang pangalan ang nauuna. Kung higit sa tatlong awtor, maaaring ilista ang unang awtor na sinusundan ng et al. bilang kapalit ng iba pang awtor o kaya ay maaari ring ilista ang lahat ng pangalan ng awtor batay sa pagkakasunud-sunod ng pangalan nila sa aklat.
Evasco, Eugene, et al. Gabay sa Pananaliksik sa Agham Panlipunan, Panitikan, at Sining. Quezon City: C&E Publishing Inc., 2011. Nakalimbag.
Evasco, Eugene, Atoy Navarro, Will Ortiz, Mary Jane Rodriguez-Tatel. Gabay sa Pananaliksik sa Agham Panlipunan, Panitikan, at Sining. Quezon City: C&E Publishing Inc., 2011. Nakalimbag.
Aklat na may Pinamatnugutan (edited)
Torres-Yu, Rosario, ed. Panitikan at Kritisismo. Quezon City: National Book Store, 1980. Nakalimbag.
Inilalagay ang daglat na ed. pagkatapos ng pangalan ng awtor upang tukuyin na patnugot at hindi manunulat ang awtor ng akda.
Isinaling Akda
Pomeroy, Willia, Ang Gubat: Isang Personal na Rekord ng Pakikibakang Gerilya ng mga Huk sa Pilipinas. Tagasalin, Rogelio Sicat. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997. Nakalimbag.
Inilalagay ang pangalan ng nagsalin pagkatapos ng tagasalin upang ipag-iba siya sa orihinal na may-akda ng aklat.
Artikulo o Kabanata mula sa Pinamatnugutang Aklat
Tiongson, Nicanor. “Ang paghuli sa Adarna: Tungo sa isang pamantayang pangkultura.” Kilates: Panunuring pampanitikan ng Pilipinas. Ed. Rosario Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006. 36-43. Nakalimbag.
Inilalagay ang tiyak na titulo ng artikulo sa loob ng panipi habang naka-italics naman ang pangalan ng libro kung saan ito matatagpuan. Inilalagay rin ang pangalan ng editor pagkatapos ng daglat na ed.
Akdang may Maraming Tomo (Volume)
Torres-Yu, Rosario, ed. Panitikan at Kritisismo. (Tomo 1-2). Quezon City: National Book Store, 1980. Nakalimbag.
Tinutukoy pagkatapos ng pamagat ng aklat ang tiyak na tomo o bahagi ng akda ng ginamit.
Introdukson, Paunang Salita, Panapos na Bahagi ng Aklat
Yabes, Leopoldo. Paunang Salita. Panitikan at Kritisismo. Ni Rosario Torres-Yu. Quezon City: National Book Store, 1980. vi. Nakalimbag.
Tinutukoy kung ito ay introduksyon o paunang salita at inilalagay pa rin ang pangalan ng libro na pinagmulan nito nan aka-italics.
Artikulo sa Research Journal
Rodriquez, Rommerl. “Representasyon ng Pagkalalaki sa Pelikulang Bakbakan ni FPJ.” Plaridel: A Philippine Journal of Communication, Media, and Society 10.2 (2013): 97-114. Nakalimbag.
Nakalagay ang tomo at bilang ng journal pagkatapos ng pamagat nito (10.2) at sinusundan ng tiyak na pahina kung saan makikita sa journal ang artikulo.
Artikulo mula sa Magasin
Arceo, Liwayway. “Uhaw ang Tigang na Lupa.” Liwayway 8 Mayo 1943: 20-28. Nakalimbag.
Kailangang ilagay ang tiyak na petsa ng publikasyon ng magasin pagkatapos ng pamagat nito.
Artikulo mula sa Pahayagan
Alonso, Ross. “POW returns book borrowed 68 years ago.” Philippine Sunday Inquirer, 1 Marso 2009: 20A. Nakalimbag.
Artikulo mula sa Online Journal
Petras, Jayson. “Motibasyon at Atityud sa Paggamit ng Wikang Ingles sa Pilipinas at ang Implikasyon nito sa Filipino Bilang Wikang Pambansa: Panimulang Pagtalakay sa Sikolohikal na Aspekto ng Pagpaplanong Pangwika. MALAY Journal 26.2 (2014): n.pag.Web. 14 Pebrero 2015.
Kapansin-pansing hindi na inilalagay ang tiyak na URL ng journal sa sanggunian. Inilalagay ang “n.pag.” na nangangahulugang walang pahina dahil sa online ang artikulo. Inilalagay rin ang Web bilang pantukoy sa medium ng publikasyon. Dalawa ang petsa na tinutukoy nito, ang (2014) ay petsa ng publikasyon ng artikulo habang ang 14 Pebrero 2015 naman ay kung kalian nakuha o nabasa mula sa internet ang artikulo.