KASAYSAYAN
Ang salitang “history” sa payak na pagbibigay kahulugan ay kadalasang sinasabing pag-aaral sa ating nakaraan. Subalit hindi dito nagtatapos ang kahulugan nito. Kung uugatin, ito ay nagmula sa salitang Griyegong “historia” na nangangahulugang pagsisiyasat (inquiry). Sa tala ni Louis Gottschalk, sang-ayon kay Aristotle, ito ay isang maayos na pagtatala gamit ang mga pangyayari o penomenon maging ito man ay sunod- sunod o hindi.
Ayon kay Dr. Zeus Salazar na kinikilalang “Ama ng Pantayong Pananaw”, ang kasaysayan ay salaysay ukol sa nakaraan na may saysay para sa sariling grupo na isinasalaysay gamit ang sariling wika at kalinangan. Ibig sabihin, hindi lamang ito basta-basta pagtatala ng mga pangyayari sa nakaraan bagkus, kailangan ang nakaraang ito ay mayroong saysay o halaga sa isang grupo ng tao. Sa ganitong paraan, lumalabas na hindi lamang ito pagsasalaysay bagkus, tayo ay nagsasalaysay ukol sa ating mga sarili.
Ganito rin ang naging pakahulugan ni Dr. Augusto de Viana sa salitang kasaysayan, inugat niya ito at hinati sa tatlo: Ka-, saysay, at –an. Ang salitang ugat ay salitang saysay na maaaring bigyang kahulugan kagaya ng mahalaga, may kwenta, importante at iba pa. kung ito naman ay dadagdagan ng hulaping –an, nagkakaroon ng saysayan na kung bibigyang kahulugan ay nagkakaroon ng talastasan, kwentuhan, pagbabahagi ng mga ideya o kuro-kuro (nagsasaysayan). Mahalagang tandaan na ang bagay na pinag-uusapan ay mayroong kabuluhan at hindi lamang basta nangyari. Ang huling bahagi at ang pagdagdag ng unlaping Ka- na kung saan ay tumutukoy sa relasyon o pagbubuklod. Halimbawa nito ay ang mga salitang kaibigan, kasintahan, kaanak at iba pa. Ang Ka- ay maaaring makapagbuklod, maaari ring mag-ipon ng mga bagay. Sa makatuwid, ang kasaysayan ay kalipunan o koleksyon ng mga salaysay na may saysay.
Kung ating bubuuin ang ideya, ang kasaysayan ay pagtalakay sa mga mahahalaga, may kwenta at importanteng mga pangyayari sa nakaraan sa pamamagitan ng pagbabahagi maging ito man ay pasulat o pasalaysay. Mula sa pagbabahaging ito ay nagiging kabilang sa kasaysayan ang mga tao na makababasa at makaririnig nito.
Para naman kay Constantino, ang kasaysayan ay hindi lamang limitado sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari; hindi rin ito limitado sa mga tala ng kabayanihan ng mga sikat na tao, bagkus ito ay ang mga tala ng kolektibong pagtutulong-tulong ng mga karaniwang mamamayan upang magkaroon ng kaginhawahan. Para sa kaniya, ang “masa” o karaniwang mamamayan ay may kapasidad na lumikha ng kasaysayan.
BATIS
Lubhang napakahalaga ng batis o sources sa pag-aaral ng kasaysayan sapagkat sa pamamagitan ng mga ito, mapapatunayan na ang isang tala ay nangyari o naganap sa mga nakalipas na panahon. Sa katunayan, mayroong panahon sa pag-aaral ng kasaysayan na kinonsidera ng mga eksperto o historyador na kung walang dokumento ay walang kasaysayan (no document, no history) sang-ayon ito sa pahayag ni Leopold Von Ranke na isa ring historyador. Subalit sa paglipas ng panahon, maging ang mga bagay na hindi naman ginagamit bilang dokumento ay naging batayan na rin ng pagsasakasaysayan. Nakatutulong ang dokumento upang magkaroon tayo ng sulyap sa nangyari sa nakaraan ngunit mahalaga ring tandaan na hindi nito maibabalik ang buong pangyayari na ating tinitingnan.
Nabanggit ni Louis Gottschalk sa kanyang aklat na Understanding History na lubhang mahalaga ang batis sa pag-aaral ng kasaysayan, aniya:
Ibinahagi ni Gottschalk sa itaas na hindi lamang limitado sa mga aklat ang mga batis bagkus ay makikita rin ito sa mga lugar na hindi natin inaasahan na mapagkukunang batis kagaya ng mga museo, simbahan at iba pa.
Mahahati sa dalawang bahagi ang pag-uuri sa batis, maaaring ito ay primarya o sekundaryang batis at nakasulat at hindi nakasulat.
Primaryang batis
Ang primaryang batis ay karaniwang mga tao o maaari ring mga bagay na mismong naging saksi habang nagaganap ang isang mahalagang pangyayari. Kadalasang sila ay malapit sa mga pangyayari at nagagamitan ng pandama– maaaring kanilang nakikita, nadarama, naririnig, naaamoy ang mga pangyayari habang ito ay nagaganap. Ilan sa mga halimbawa ng primaryang batis na nakasulat ay:
a. Talaarawan- tinatawag din itong diary o journal. Ang mga ito ay naratibo ng mga kaganapan na inakda ng mga tao na mismong nakaranas at nakasaksi sa mga pangyayari. Kadalasan na ito ay isinusulat ng may-akda araw-araw. Isang halimbawa nito ay ang diary ni Hen. Gregorio del Pilar na naglalarawan ng kanyang karanasan sa pakikibaka sa mga Amerikano. Nagtapos ang kanyang pagsusulat nang siya ay mapaslang ng mga Amerikano sa Pasong Tirad.
b. Awtobiograpiya- tinatawag din itong talambuhay na isinulat ng may-akda na pumapatungkol sa kanyang sarili. Mahahalagang mga kaganapan, lugar, tao at mga pangyayari ang kadalasang paksa ng nasabing akda.
c. Liham- ito ay ang mga sulat ng may-akda na naglalaman ng mensahe, pananaw o damdamin na nais niyang iparating sa taong kinauukulan. Halimbawa nito ay ang Liham ni Rizal sa Kadalagahan ng Malolos na may petsang Pebrero 22, 1889. Dito pinapurihan ni Rizal ang kagitingan at katapangan na ipinamalas ng kadalagahan ng Malolos na umalpas mula sa pagkaalipin ng kamangmangan sa pamamagitan ng paghiling nila sa gobernador-heneral na makapagtayo ng isang paaralan na magtuturo ng wikang Espanyol.
d. Diyaryo/Pahayagan- isang dokumento na inilathala at inilimbag kaalinsabay ng mga isyung panlipunan na tinatalakay sa mismong pahayagan. Maaari rin itong maglaman ng ulat ukol sa mga kaganapang pulitikal, pang-ekonomiko at panlipunan. Tumatalakay din ang mga pahayagan sa mga opinyon at pananaw ng mga eksperto sa isang partikular na isyu. Isang halimbawa ng pahayagan ay ang Diariong Tagalog, na pinamatnugutan ni Marcelo H. del Pilar. Ito ang kauna-unahang bilingguwal na pahayagan na nasusulat sa wikang Tagalog at Espanyol.Isiniwalat ng nasabing pahayagan ang pang-aabuso ng mga prayleng Kastila at ang pagmamalabis ng mga opisyal ng gobyernong kolonyal.
e. Memoir- isa itong uri ng primaryang batis na naglalarawan ng mga pangyayari habang bumabanggit ng kanyang sariling kuro-kuro ang may-akda. Ipinapaliwanag ng may-akda ang isang kaganapan sa paraang naratibo gayundin ang paglalahok niya ng kanyang opinyon base sa kanyang paniniwala. Isang sikat na memoir ay ang The Philippine Revolution o ang La Revolucion Filipina na inakda ni Apolinario Mabini. Tinalakay niya rito ang pagtatagumpay ng Himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol gayundin ang pagtatatag ng isang Republika na kinikilala ng mga bansa sa Asya at sa Europa noong 1899.
f. Mga Ulat- Kadalasang mga opisyal na dokumento ang mga ulat na nanggaling sa isang grupo ng tao na naglalayong maghatid ng impormasyon ukol sa isang partikular na kaganapan. Ginagamit ang mga ulat sa mga imbestigasyon o sa mga pagdinig upang magamit na basehan ng hakbangin ng pamahalaan. Halimbawa ng ulat ay ang dokumento na inilabas ng Agrava Fact-Finding Commission na nagsiyasat sa mga kaganapan ukol sa pagpaslang kay dating Senador Benigno Aquino Jr. noong 1983. Ginamit ang ulat ng Komisyong Agrava sa pagsasampa ng kaukulang asunto sa Sandiganbayan laban sa mga opisyal na pinaniniwalaang sangkot sa nasabing pagpaslang. Ilan pang halimbawa ng ulat ay ang mga ulat ng lupon na ginagamit ng mga mambabatas sa pamahalaang lokal bilang basehan ng mga ordinansa at gawaing lehislasyon.
g. Mga Talumpati- isa ring uri ng primaryang batis ang mga talumpati. Ito ay ang mga pahayag na binigkas sa mga mahahalagang okasyon, pagtitipon, gawaing panrelihiyon o pulitikal. Mahalagang nakalathala ang mga nasabing talumpati bago mauri bilang nasusulat na primaryang batis. Sa bisa ng Artikulo 2 ng Kodigong Sibil ng Pilipinas, minamandato ang paglalathala ng mga mahahalagang talumpati sa Official Gazette, ang opisyal na pahayagan ng pamahalaan ng Pilipinas. Ilan sa mga nalathala ay ang mga talumpati ng Pangulo sa ilang mahahalagang pagdiriwang. Maaari ring isama sa mga talumpati ang mga privilege speech ng mga mambabatas na nailalathala naman sa mga dokumento ng Kongreso na tinatawag na journal.
h. Opisyal na mga Dokumento- bahagi ng gampanin ng pamahalaan ang maglathala ng mga opisyal na dokumento na naglalaman ng mga mahahalagang kalatas, anunsyo o mandato. Dahil dito, nagagamit ang mga opisyal na dokumento bilang primaryang batis. Ilan sa mga ito ay ang mga orihinal na kopya ng mga batas na ginawa ng Kongreso at pinirmahan ng Pangulo gayundin ang mga desisyon ng hudikatura, kalatas ng mga administratibong ahensya ng gobyerno, at iba pang mga katulad nito. Halimbawa ng mga opisyal na dokumento ay ang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino na inakda ni Ambrosio Rianzares Bautista at binasa kaalinsabay ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Isa ring primaryang batis ang Proclamation No. 1081 ni dating Pangulong Marcos na nagdedeklara na ang buong bansa ay nasa ilalim ng Batas Militar.
i. Mga Kasunduan- kinokonsidera ring primaryang batis ang mga kasunduan na nilagdaan ng mga pinuno ng pamahalaan o ng mga samahan. Isang halimbawa ng kasunduan ay ang Kasunduan sa Biak-na-Bato na nilagdaan ng mga kinatawan ng pamahalaang rebolusyonaryo at gobyernong kolonyal ng mga Espanyol.
Mayroon din namang primaryang batis na hindi nakasulat kagaya ng:
a. Artipakto- ito ay tinatawag ding liktao na halaw sa aklat ni Prop. Zeus Salazar na nalathala noong 2004. Ito ay mga bagay na nahukay ng mga arkeologo mula pa sa unang panahon na ginamit at hinubog ng tao ayon sa kanilang kultura. Ilan sa mga halimbawa ng artipakto ay ang balangay, isang uri ng sinaunang sasakyang pandagat na nahukay at natagpuan sa lungsod ng Butuan noong 1978. Ang balangay ay isang katunayan na may kakayahan at kahusayan na ang mga sinaunang Pilipino sa paggawa ng malalaking sasakyang-pandagat na sumasalamin sa kabihasnang maritimo bago pa man ang pagdating ng mga Europeo. Isa rin halimbawa ng artipakto ang hikaw na natagpuan sa Yungib Duyong ng Palawan na tinatawag na Lingling-o na sumisimbolo sa karangyaan ng sinaunang pamayanang Pilipino.
b. Relikya- ito ay mga labi ng mga bagay na may buhay gaya ng tao, hayop, halaman at iba pa. Ito ay maaaring mga buto ng hayop at tao o mga bakas (imprints) ng mga halaman sa mga yungib o bato. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang buto ng daliri sa paa (metatarsal) ng Taong Callao na natagpuan sa Yungib Callao sa Cagayan. Ayon sa mga eksperto, ito ay tinatayang may 67,000 taon na. Isa pa ring halimbawa ng relikya ay ang natagpuang bagang (molar) ng stegodon luzonensis. Ito ay isang uri ng elepante na tinatayang nabuhay sa Pilipinas. Ang nasabing relikya ay natagpuan sa Hilagang Luzon.
c. Kasaysayang Oral- isang uri ito ng primaryang batis na ‘di-nakasulat. Ito ay ang mga sali’t saling pahayag, kwento, o salaysay na maaaring tiyak o hindi tiyak ang pinagmulan. Halimbawa ng mga kasaysayang oral ay ang mga alamat, epiko, sawikain, bugtong, at kwentong bayan. Halimbawa ng mga ito ay ang Biag ni Lam-ang, isang Ilokanong epiko na binigyang bikas ni Pedro Bukaneg.
d. Larawan at dibuho- Ang mga ito ay nagsisilbing primaryang batis. Ito ay bunga ng mga likha ng tao sa pamamagitan ng dunong at teknolohiya. Ebidensya ang mga larawan sa pagpapatibay na ang mga tao ay naroon nga sa binabanggit na lugar o pagtitiyak na naganap nga ang isang pangyayari. Ilan sa halimbawa ng dibuho ay ang Spoliarium ni Juan Luna na nakatanghal ngayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas. Ginamit na simbolismo sa dibuhong ito ang mga nasawing gladyador bilang mga Pilipino na inaalipin at pinahihirapan ng mga Espanyol.Ipinapakita ng dibuhong ito ang karahasan at pang-aabuso ng mga mananakop na Espanyol sa mga Pilipino. Isa namang halimbawa ng larawan ay ang larawan ng tatlong propagandistang sina Dr. Jose P. Rizal, Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce habang sila ay nasa Europa.
Sekundaryang Batis
Sekundaryang batis naman mabibilang ang mga batis na hindi “saksi” sa mga pangyayari ngunit naglalahad ng impormasyon kaugnay ng primaryang batis. Ayon kay Gottschalk, ito ay mga testimonya ng mga hindi saksi sa pangyayari subalit nagbabangit ng mga bagay na may kaugnayan dito. Karaniwang nagbibigay komentaryo o paliwanag sa isang pangyayari ang mga batis na kaugnay nito. Pinakamagandang halimbawa ay ang mga teksbuk sa paaralan. Hindi man nito nasaksihan ang pangyayari, ipinaliliwanag naman dito ang mga interpretasyon sa primaryang batis ng mga may-akda. Halimbawa ng teksbuk ay ang History of the Filipino People at Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo, A Continuing Past at Past Revisited ni Renato Constantino at marami pang iba. Ilan pang halimbawa ng sekundaryanng batis ang mga brochure, magazine, gayundin ang mga nailathalang artikulo sa internet.
KRITISISMO
Nabanggit sa mga naunang pahina ang hindi pagkakabuo ng ganap na pangyayari sa nakaraan at tanging sulyap lamang ang ating magagawa. Para kay John Tosh, tungkulin ng historyador na mapagtagpi-tagpi ang mga pangyayari mula sa limitadong mga batis. Hindi sapat na mayroong primaryang batis na susuriin kailangan din ng kritisismo ng mga dokumentong ito upang higit na mapalabas ang katotohanan ng mga pangyayari sa nakaraan. Gayundin, hindi rin naman maipaliliwanag mag-isa ng dokumento ang kanyang sarili, kailangan ng taong magsusuri sa kanya upang mapalabas ang tunay na katotohanan sa mga bagay na mahalaga sa nakaraan. Sa ganitong banda, kailangan nang masusing pagsisiyasat ng mga historyador sa mga dokumento upang masiguro ang otentisidad ng kanilang mga batis at dito papasok ang kritisismo. Ito ay nahahati sa dalawa: Kritisismong Panlabas at Kritisismong panloob.
Kritikang Panlabas
Ang Kritikang Panlabas o Kritika ng katunayan at kapanalinagan ay may kinalaman sa pagkilala kung tunay o di-tunay ang batis. Sumasailalim sa restitusyon o pagwawasto ng batis upang maibalik ito sa orihinal. Mahalaga rin ang pagtatakda ng kapanaliganan at saligan batay sa pinanggalingan ng batis – panahon, lugar at may-akda, bago makatiyak kung maaring gamitin ang batis para sa pananaliksik. Kailangan ang lahat ng ito upang maipakita ang tunay at hindi huwad o peke ang batis. Halimbawa, kung magsusuri ng isang primaryang dokumento kaugnay ni Rizal, mahalaga na suriin ang uri ng papel, ang tintang ginamit at estilo ng pagsulat upang mapatunayan ang katotohanan ng batis.
Kritikang Panloob
Ang Kritikang Panloob ay ang higit na malalim na pagsusuri ng dokumento. Sinusuri na dito ang mismong nilalaman ng akda upang tuklasin ang tiyak at tunay na kahulugan ng sinusuring dokumento. Mahalaga na nauunawaan ang wikang ginagamit ng may-akda upang mapalabas ang tunay na pakahulugan dito. Lalo’t higit kung paano ginagamit ang wika sa panahon ng pagkasulat. Isang maaaring halimbawa nito ay ang “And Dapat Mabatid ng mga Tagalog” bagamat nakasulat sa lengwaheng Tagalog, iba na ang maaaring gamit ng ilang salita rito sa kasalukuyan. Kaya’t kung hindi magiging maingat ang nagsusuri ay maaaring hindi maipalabas ang tunay na pakahulugan ni Andres Bonifacio sa panahong kanya itong isinusulat.
REPOSITORYO NG MGA SANGGUNIANG BATIS
Ang mga sangguniang batis na ito ay tinipon at kinalap ng mga mananaliksik, historyador at mga arkeologo. Ang mga ito, maaaring primarya o sekondaryang batis man ay maaaring matagpuan sa mga sumusunod na repositoryo sa Pilipinas:
1. Pambansang Museo ng Pilipinas (National Museum of the Philippines) - matatagpuan sa Lungsod ng Maynila at dating gusaling lehislatibo ng pamahalaang Komonwelt. Nakalagak dito ang mga sikat na primaryang batis gaya ng bahagi ng balangay mula sa Lungsod ng Butuan, ang dibuhong Spoliarium ni Juan Luna, ang bangang Manunggul, at ang hikaw na Lingling-o.
2. Pambansang Sinupan (National Archives of the Philippines) - Nakalagak dito ang mga opisyal na dokumento gaya ng mga dokumento noong panahon ng Kastila.
3. Gusali ng National Historical Commission of the Philippines- kinalalagakan ng mga mahahalagang pahayagan, peryodiko at mga aklat na mga mapagkakatiwalaang manunulat ng kasaysayan ng Pilipinas.
4. Pambansang Aklatan ng Pilipinas (National Library of the Philippines) – tahanan ng mga mahahalagang aklat, dokumento, artikulo, pahayagan at peryodiko kagaya ng mga orihinal na kopya ng mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
5. Intramuros Administration- isang ahensya na nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nangangalaga ng mga dokumento at gamit na gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng Intramuros.
6. Mga museo at aklatang lokal- karaniwan na may mga aklatan at museo ang mga lalawigan at bayan sa Pilipinas. Isang halimbawa nito ang Aklatang Panlalawigan ng Bulacan na naglalaman ng mga aklat, peryodiko at artikulo na may kinalaman sa kalinangan at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan. Gayundin ang Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas na nasa Dambana ng Casa Real sa Lungsod ng Malolos. Itinatanghal ng nasabing museo ang iba’t ibang tagpo sa kasaysayang pampulitika ng Pilipinas mula sa pagtatatag ng mga kabihasnan sa ilaya at ilawud hanggang sa pagkakamit ng soberanyang tinatamasa ng bawat mamamayang Pilipino sa kasalukuyan.
7. Pambansang Dambana- ang mga dambana ay lugar kung saan nakahimlay ang mga labi ng mga kinikilalang bayani ng bayan. Kadalasan na may mga museo rin na matatagpuan sa mga ito. Isang halimbawa ng dambana ay ang Dambana ni Gat. Marcelo H. del Pilar na matatagpuan sa Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan.
Nagsisilbing lagakan ng mga primarya at sekondaryang batis ang mga gusaling ito. Itinuturing na yaman ng bayan ang mga primaryang batis pati ang mga repositoryo kung saan ito matatagpuan. Kung kaya, masidhi ang pag-iingat na hinihingi ng pamahalaan sa mga mag-aaral, mananaliksik at historyador na nagsasadya sa mga lugar na ito.