Modyul 13: ANG SEKSWALIDAD NG TAO
Sa unang markahan ng Baitang 7, pinag-aralan ninyo sa klase ang mga inaasahang kakayahan at kilos na dapat linangin ng isang nagdadalaga o nagbibinata. Ngayong may sapat ka nang kaalaman sa pagkatao ng tao, mahalagang pag-usapan natin muli ang tatlo sa mga kakayahan at kilos na ito: ang pagtatamo ng bago at ganap na pakikipag-ugnayan (more mature relations) sa mga kasing-edad, ang pagtanggap ng papel sa lipunan na angkop sa babae o lalaki at ang paghahanda para sa pag-aasawa at pagpapamilya.
Nagbibinata o nagdadalaga ka na. Kaya ang mga interes mo ay nagbabago na rin. Ang mga dati mong kinahihiligan ay hindi na nakalilibang sa iyo. Ang mga pisikal mong kakanyahan bilang lalaki o babae ay patuloy na lumalaki at nagiging ganap. Kasabay ng mga pagbabagong ito ay napupukaw na rin ang iyong sekswal na interes. Hindi ito dapat na ikabahala o ikahiya. Bahagi ito ng proseso upang maging ganap ang iyong pagkalalaki o pagkababae. Ang prosesong ito ay mahaba at hindi dapat na madaliin. Katunayan magpapatuloy ang paglago mo bilang isang lalaki o babae hanggang sa iyong pagtanda.
Ano nga ba ang sekswalidad?Â
Ang sekswalidad ng tao ay kaugnay ng kaniyang pagiging ganap na babae o lalaki. Hindi ka magiging ganap na tao maliban sa iyong ganap na pagiging babae o lalaki. Maaari ding sabihing, sa iyong pagkalalaki o pagkababae magiging ganap at bukod-tangi kang tao. Halimbawa, may kaugnayan ang iyong pagiging babae o lalaki sa papel na ginagampanan mo sa pamilya at sa lipunan. Sa pamilya, babae lang ang maaaring maging ina, ate, lola, o tiya; at lalaki lang ang puwedeng maging ama, kuya, lolo o tiyo. May mga gampanin din na kakaiba sa lalaki o babae ayon sa dikta o pamantayan ng lipunan o kulturang kinamulatan
Ang unang katangian na nagpabukod-tangi sa iyo nang ikaw ay ipanganak – o noong una kang makita sa ultrasound imaging ng iyong magulang - ay ang iyong pagiging lalaki o babae. Ito ang unang itinatanong sa doktor ng mga magulang mo at itinatanong naman sa magulang mo ng ibang tao tungkol sa iyo. Ngunit ang pagkalalaki o pagkababae ng isang tao ay hindi nakikita lamang sa pisikal o bayolohikal na kakanyahan niya. Ang kaniyang pagkalalaki o pagkababae ang mismong katauhan niya. Gayonpaman kailangang tanggapin at igalang natin ang ating katawan, dahil ito ang pisikal na manipestasyon ng ating pagkatao.
Ang sekswalidad kung gayon ay ang behikulo upang maging ganap na tao - lalaki o babae - na ninanais mong maging. Hindi ito pisikal o bayolohikal na kakanyahan lamang, ang pagpapakalalaki at pagpapakababae ay isang malayang pinili at personal na tungkulin na gagampanan mo sa iyong buong buhay.
Isang moral na hamon sa bawat tao ang pag-iisa o pagbubuo ng sekswalidad at pagkatao upang maging ganap ang pagkababae o pagkalalaki. Kung hindi mapag-iisa ang sekswalidad at pagkatao habang nagdadalaga o nagbibinata, magkakaroon ng kakulangan sa kaniyang pagkatao pagsapit ng sapat na gulang (adulthood). Sa isang taong nasa sapat nang gulang, ang kakulangan na ito ay maaaring magkaroon ng manipestasyon bilang kawalan ng kumpiyansa sa sarili, mga karamdamang sikolohikal o karamdaman sa pag-iisip, at mga suliraning sekswal. Sa ngayon nasa proseso ka ng pag-iisa o pagbubuong ito. Kailangan mo ang masusing pagkilala sa iyong sariling pagkatao, maingat na pagpapasiya at angkop na pagpili upang makatugon sa hamong ito.
Ang tao ay tinawag upang magmahal. Ito ang natatanging bokasyon ng tao bilang tao. May dalawang daan patungo dito – ang pag-aasawa at ang buhay na walang asawa (celibacy).
Ayon sa Banal na si Papa Juan Paulo II sa kaniyang akdang “Love and Responsibility”, upang gawing higit na katangi-tangi ang pagmamahal, at upang ito ay maging buo at ganap kailangang ito ay magkaroon ng integrasyon. Ibig sabihin, kailangang mailakip dito ang lahat ng elemento ng tunay na pagmamahal ayon sa kung alin ang dapat mangibabaw o mauna. Ilan sa mga elementong ito ang kailangan nating linawin.
Kabilang sa mahahalagang elementong tinutukoy dito ay: ang sex drive o sekswal na pagnanasa, ang kilos-loob (will), mga pandama at emosyon, pakikipagkaibigan at kalinisang puri.
Ang Sex Drive o Libido
Sa yugto ng pagdadalaga at pagbibinata, may mga pagbabago sa iyong katawan na nagiging dahilan ng pagpukaw ng iyong interes sa katapat na kasarian. Sa tamang panahon lilisanin mo rin ang sariling tahanan at hahanap ng kapares sa katapat na kasarian upang magsimula ng sariling pamilya. Sa ngayon ang mga pagbabagong ito ay maaaring makalito sa iyo dahil hindi mo lubos na maunawaan ang mga pagbabagong ito. Halimbawa, hindi mo maunawaan kung bakit ka namumula tuwing ngumingiti sa iyo ang “crush” mo. O kaya’y labis ang iyong pag-aalala sa iyong isusuot, lalo’t naroon ang mga kasing-edad mo. O kaya’y napapansin mong may kakaiba sa iyong pakiramdam kapag may nakikitang larawan ng magagandang babae o lalaking halos walang saplot. Hindi mo dapat na ipagtaka o ikahiya ang pagkakaroon ng di mo maipaliwanag na pagkaakit sa katapat na kasarian. Natural lamang ito, at kung mapamamahalaan mo, ito ay makatutulong upang ihanda ka sa pagiging ganap na lalaki o babae. Huwag kang mangamba sapagkat ang ating simbuyong sekswal bagamat mayroon din nito ang tao, ay ibang-iba kaysa sa hayop.
Ang sekswal na pagnanasa sa tao ay maaari niyang supilin o hayaang mangibabaw sa kaniyang pagkatao. Kung hahayaang mangibabaw, maaari itong magbunga ng kakulangan sa kaniyang pagkatao o maging sanhi ng abnormalidad sa sekswal na oryentasyon. Sa kabilang banda, kung mapamamahalaan at mabibigyan ng tamang tuon, ay maaaring makatulong sa paglago niya bilang tao at magbigay ng kaganapan sa kaniya bilang lalaki o babae.
Ang Puppy Love
Ang puppy love ay kadalasang pinagkakamalan nating tunay na pagmamahal. Ang totoo maaari naman talaga itong maging simula o pundasyon ng isang tunay at wagas na pagmamahalan sa pagdating ng tamang panahon. Kailangan lamang ng tamang integrasyon ang nararamdamang senswalidad at damdamin. Ang puppy love ay maaaring bunga ng senswalidad, na pinupukaw ng mga pandama (senses) at damdamin na tinatawag na sentiment, na bunsod naman ng emosyon. Kapag nakakilala ka ng isang tao na sa iyong pamantayan ay nakaaakit, natural lamang na ang una mong naging batayan ng paghuhusga ay ayon sa iyong mga pandama. Maaaring sa una ang nakapupukaw ng iyong interes sa kaniya ay ang ganda ng kaniyang mukha, katawan, kilos, pananamit o kaya’y talento at hindi ang kaniyang pagkatao; dahil nga hindi mo pa naman siya lubos na nakikilala. Katunayan nga minsan dahil hindi naman kayo nagkakaroon ng pagkakataon na magkasama, at lubos na magkakilala, nawawala rin kaagad ang interes mo sa kaniya. O kaya naman naroon lang ang interes kapag kasama mo o nakikita siya. O di kaya’y may nakita kang bagay na hindi mo nagustuhan sa kaniya.
Ngunit, tulad nga ng nabanggit na, maaari naman itong gawing pundasyon para sa isang tunay at wagas na pagmamahal. Kaya nga kung nararamdaman mo ito ngayon, tingnan mo ito sa isang positibong pananaw at hayaan mong maging masaya ka sa ugnayang ito. Gamitin mong inspirasyon ang hinahangaan upang mapagbuti pa ang iyong mga gawain, pag-aaral at mapaunlad ang sarili. Ang mahalaga, huwag mong kalilimutan na ikaw ay nasa proseso pa lamang ng paghahanda para sa tunay at wagas na pagmamahal at ang iyong nararamdaman ay paghanga lamang at hindi pa tunay na pagmamahal.
Ang Paggamit sa Kapwa at Pagmamahal
Ang pagmamahal ay nagsisimula sa isang pagpapasiyang magmahal. Ang mga paghangang nararamdaman mo ay maaari ngang mauwi sa pagmamahal kung kapwa kayo malayang magpapasiya na pagsikapang mahalin ang isa’t isa. May mga mahahalagang elementong isinasaalang-alang ang tunay na pagmamahal. Una, tinitingnan mo ang minamahal bilang kapares at kapantay. Ikalawa, iginagalang ninyo kapwa ang dignidad at kalayaan ng bawat isa. Hindi ka niya dapat piliting gumawa ng mga bagay na labag sa iyong kalooban at gayon din naman hindi mo siya dapat pagawin ng bagay na alam mong hindi niya gustong gawin. Dapat na mahalaga sa iyo ang kaniyang ikabubuti at gayon din naman ang ikabubuti mo ay mahalaga sa kaniya. Kaya nga, hindi dapat na mapabayaan ang iyong pag-aaral. Pagdating ng tamang panahon at nagpasiya ka nang bumuo ng sarili mong pamilya katuwang ang iyong minamahal, dapat din na handa kayo para sa mga magiging responsibilidad dito.
Ang Kalinisang Puri at Pagmamahal
Ang kalinisang puri ay isang pagkilos. Ito ay pag-oo at hindi pag-hindi. Ito ang pag-oo sa pagkatao ng tao. Kung tinitingnan natin ang tao bilang tao, hindi na kailangan ang mahabang listahan ng HINDI na ito. Ang birtud na ito ay tumitiyak na kailanman hindi titingnan ang minamahal bilang isang bagay. Sa mga mag-asawa na sa ganitong pananaw nagsimula, malaya at may buong pagtitiwala ang pagbibigay ng sarili sa isa’t isa sapagkat ang pagtatalik ay hindi bunga lamang ng sekswal na pagnanasa, kundi ang pagbibigay ng buong pagkatao. Kung ang pagtatalik nilang ito ay bunsod lamang ng sekswal na pagnanasa, ginagamit lamang nila kapwa ang isa’t isa upang pagbigyan ang tawag ng laman. Hindi nagiging tagumpay ang pagsasamang sa kasiyahan ng katawan nakabatay dahil hindi nito pinahahalagahan ang pagkatao ng tao. Hindi nga ba, sa panliligaw, ang madalas sabihin ng mga lalaki sa kanilang nililigawan at sa pamilya nito, “Malinis po ang hangarin ko sa kaniya.” Ibig sabihin, hindi katawan lamang niya ang habol ng lalaki, kundi ang buong pagkatao ng kaniyang nililigawan. Ang iba naman ang sinasabi, kung nasa husto nang gulang, “Handa ko po siyang pakasalan.”
Ang Pagmamahal ay Mapagbuklod
Ang tunay na pagmamahal ay ang lubos na paghahandog ng buong pagkatao sa minamahal. Ang pinakamahalagang palatandaan ng paghahandog na ito ay ang pagpapakasal. Ipagkakaloob mo ang iyong kalayaan at itatali mo ang iyong sarili sa minamahal habambuhay. Mangangako kayong magmamahalan sa hirap at ginhawa, sa sakit at sa kalusugan hanggang kamatayan. Iyo na siya at ika’y kaniya; mabaho man ang hininga, malakas man maghilik, malakas kumain, maging sino man siya, habambuhay!
Ang Pagmamahal ay Isang Birtud
“Maraming nagsasabi na ang pagmamahal ay maaaring sukatin sa pamamagitan lamang ng pagiging tunay na damdamin,’ ngunit ang pagmamahal ay isang birtud at hindi isang emosyon; at lalong hindi pagpukaw lamang sa diwa at mga pandama.” Dahil nga ito’y birtud, ang pagmamahal ay nangangailangan ng paglinang at pagkilos upang mapaunlad ito. Laging ang tuon dito ay ang ikabubuti ng minamahal at ng dalawang taong ngayon ay pinag-isa. Higit na masusubok ang tunay na pagmamahal sa panahong lumipas na ang paghanga na bunsod ng mga pandama at ng matinding emosyon. Sa panahong ito masusukat kung ang minahal mo ay ang pagkatao ng minamahal at hindi ang konsepto lamang ng inakala mong siya. Matutukoy lamang kung tunay ang pagmamahal kung sa paglipas ng panahon ay lalo pang napabubuti nito ang mga taong nagmamahalan.
Isa pang mahalagang katangian ng tunay na pagmamahal ang pagiging mapanlikha nito. Katunayan kung itatanong ang tunay na katuturan ng buhay natin sa mundo, masasabing narito tayo sa mundo upang magbigay-buhay at makibahagi sa pagigng manlilikha ng Diyos. Dalawang uri ito, ang pagbibigay-buhay na ito ay maaaring sa paraang pisikal o sekswal – ang pagsisilang ng sanggol, o sa paraang ispiritwal – ang mabuhay bilang biyaya na nagbibigay-buhay din sa iba
Ngayon, maaring sabihin mo na napakasalimuot pala nang tunay na pagmamahal! Tila ba napakahirap nitong masumpungan sa mundo na ang nangingibabaw ay labis na materyalismo at ang halagang ibinabantog ay ang pagiging makasarili. Ah, huwag mong kalilimutan na ikaw ay tao, ang iyong potensyal ay hindi masusukat. Sa tulong ng iyong kapwa tao, mahirap man ito, masusumpungan mo rin ang tunay na pagmamahal! Sa ngayon, matuto ka sa mga naging karanasan ng mga dumanas na ng tunay na pagmamahal. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat, huwag mong kalilimutan na ang pagmamahal ay patuloy na bumubukal mula sa Diyos sa tulong ng kaniyang grasya.
Modyul 14: KARAHASAN SA PAARALAN
Sa araling ito, bibigyang-tuon ang iba’t ibang mga karahasan na nangyayari sa paaralan. Bakit nga ba ito nagaganap? Bakit ito lumalawak? Bakit mahalagang umiwas sa anumang uri ng karahasan sa paaralan? Bakit mahalagang ito ay mapigilan? Sa kasalukuyan, isa itong suliranin na nangangailangan ng agarang solusyon. At ang lahat ay nagsisimula sa pagkakaroon ng kaalaman … malawak na kaalaman. Ika nga nila, “knowledge is power.” Handa ka na bang makaalam? Halika na at ating suriin ang balakid sa paglaganap ng karunungan! Sasagutin ng modyul na ito ang mahalagang tanong na: Bakit mahalaga ang pag-iwas sa anumang uri ng karahasan sa paaralan at ang aktibong pakikisangkot upang masupil ito?
Ang Pambubulas o Bullying
Ang pambubulas o bullying ay isang sinasadya at madalas na malisyosong pagtatangka ng isang tao o pangkat na saktan ang katawan o isipan ng isa o mahigit pang biktima sa paaralan.
Uri ng Pambubulas
1. Pasalitang Pambubulas. Pagsasalita o pagsusulat ng masasamang salita laban sa isang tao. Kasama rito ang pangangantyaw, pangungutya, panunukso, panlalait, pang-aasar, paninigaw, pagmumura, pang-iinsulto, pagpapahiya sa iyo sa harap ng maraming tao, at iba pa
2. Sosyal o Relasyonal na Pambubulas. Ito ay may layuning sirain ang reputasyon at ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao.
3. Pisikal na Pambubulas. Ito ay ang pisikal na pananakit sa isang indibidwal o pangkat at paninira ng kaniyang mga pag-aari.
Profile ng mga Karakter sa Pambubulas
Ang Nambubulas
Ayon sa isinagawang pag-aaral ni Karin E. Tusinski (2008) ang dahilan ng pambubulas ng isang tao ay maaring maugat sa pamamaraan ng pagpapalaki ng kaniyang mga magulang. Sabi niya sa kaniyang pag-aaral, ang isang bata na nambubulas ay:
1. Mas malamang na napalaki ng isang pamilyang napabayaan na gawin ang lahat ng kaniyang gustong gawin at hindi napaaalalahanan lalo na sa mga hindi tamang nagagawa.
2. Hindi naramdaman sa kaniyang pamilya ang pagmamahal
3. Hindi napalago ang komunikasyon at ugnayan sa loob ng pamilya
4. Ginamitan ng pananakit bilang pagdisiplina
5. Nakita ang pagiging marahas ng magulang na magdudulot ng pagkakaroon ng damdamin ng poot sa kapwa at malaon ay makaramdam ng kasiyahan sa pananakit sa iba
 Ang Binubulas
Ano naman ang madalas na sanhi kung bakit nabubulas ang isang tao? Narito ang ilan lamang sa mga posibleng dahilan:
1. Kaibahang Pisikal (physically different). Ang mga halimbawa nito ay ang maaaring pakakaroon ng kapansanan sa katawan, masyadong mataba o payat, mahina o astigin, masyadong matangkad o bansot, at iba pa.
2. Kakaibang Istilo ng Pananamit (dresses up differently). Halimbawa, kung ikaw ay babae,maaaring magiging target ka nila kung masyadong maiksi o bulgar ka sa iyong pananamit, o di kaya masyado namang mahaba o balot ang katawan o konserbatibo ka kung manamit.
3. Oryentasyong sekswal (sexual orientation). Lapitin ka ng mga mambubulas kung nakikitaan ka nila ng pagiging mahina bilang isang lalaki o di kaya sa pagiging astigin mo bilang isang babae.
 4. Madaling mapikon (short-tempered). Matutuwa ang isang nambubulas kung makikitang kagyat ang galit na ipakikita kapag tinutukso o kinukutya. Alam nilang nakaaapekto ang kanilang ginagawa kung kaya matutuwa silang ito ay ulit-uliting gawin.
5. Balisa at di panatag sa sarili (anxious and insecure). Ang kawalan ng seguridad sa sarili ay isang palatandaan ng kahinaan. Madali itong nakikita ng mga nambubulas.
6. Mababa ang tingin sa sarili (low self-esteem). Maging ang kawalan ng tiwala ay isang napakagandang indikasyon na magiging madali para sa isang mambubulas na maipakita ang kaniyang nakahihigit na kapangyarihan. Mas tumataas ang tiwala nila sa kanilang sarili kung nakikita nilang walang kakayahan ang kanilang binubulas na ipakita ang kaniyang kakayahan at kalakasan.
7. Tahimik at lumalayo sa nakararami (quiet and withdrawn).
8. Wala kang kakayahang ipagtanggol ang sarili (inability to defend oneself) laban sa kanila.
Mga Epekto ng Pambubulas
Ayon nga kay Michael Diamond, Direktor ng Plan Philippines, “Nakababahala ang palaki nang palaking bilang ng mga nabibiktima ng pambubulas dahil ang mga biktima nito ay mayroong posibilidad na makalinang ng pagiging mailap at ng takot na makaaapekto sa pamamaraan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa, makahahadlang sa kanilang pakikilahok sa paaralan at makapagpapababa ng kanilang marka sa pag-aaral”.
1. May mga pag-aaral na makapagpapatunay na ang mga biktima ng pambubulas ay may posibilidad na magkaroon ng labis na pagkabalisa, kalungkutan, suliranin sa pagtulog (sleep difficulties), mababang tiwala sa sarili, maging sakit ng ulo at tiyan at pangkalahatang tensiyon kumpara sa mga kabataan na hindi nagiging biktima ng pambubulas.
2. Ang biktima ng pambubulas ay madalas na kakaunti ang kaibigan o maaaring walang kaibigan. Dahil sa kanilang labis na pagiging balisa at sa kanilang mababang pagtingin sa kanilang sarili, masyadong mahirap para sa kanila ang humanap at magkaroon ng kaibigan.
3. Isa pa sa posibleng epekto sa biktima ng pambubulas ay ang posibiliad na sila mismo ay maging marahas, maaaring sa panahon ng pambubulas o sa hinaharap.
 Pagmamahal sa SARILI, KAPWA, at BUHAY: Mga Sandata laban sa Karahasan sa Paaralan
Ang lahat ay dapat na nag-uugat sa sarili. Ang pagmamahal sa sarili ang isa sa pinakamahalagang sandata na magagamit ng isang kabataan upang maiwasan na masangkot sa anumang karahasan sa paaralan. Isapuso mo ang katotohanan na nag-iisa ka lamang sa mundo. Mahalaga ka, isa kang hindi na mauulit na ekspresyon ng diwa ng Diyos. Ikaw lang ang mayroong natatanging pagkakataon upang kilalanin nang malalim ang iyong sarili at tuklasin ang landasin na para sa iyo.
Dalawang bagay ang mahalaga upang maiwasan ang pagiging mapaghanap at ang kawalang ng kapanatagan ng tao:
1. Kaalaman sa Sarili - Mahalagang kilalanin ang sarili.
2. Paggalang sa Sarili - Upang magkaroon ka ng paggalang sa kapwa, kailangan mo munang magkaroon ng paggalang sa iyong sarili.
Ang karahasan sa paaralan o sa kahit na saang lugar ay bunga ng pagtalikod ng taong gumagawa nito sa tunay at dalisay na kahulugan ng pagmamahal. Kahit na sino ay sasang-ayon na kapag mananatili ang pagmamahal sa gitna ng lahat ng ugnayan ay walang sinuman ang makaiisip na magdulot ng sakit o panganib sa buhay ng kaniyang kapwa. Ngunit katulad naman ng anumang halaman o puno ito ay kailangang ipunla, alagaan at palaguin dahil matututuhan lamang ang magmahal kung ito ay naiparamdam o naiparanas.
Palagi mong gamiting gabay ang mga katagang ito: Mahalin mo ang iyong sarili upang matutuhan mong mahalin ang iyong kapwa, pagmamahal na pinagniningas ng halimbawa ng tunay na pagmamahal na ibinibigay ng Diyos. Kapag ito ay naisapuso tiyak na hindi magtatagumpay ang karahasan sa anumang paraan.
 Maaari ka bang tumulong sa paghahasik ng binhi?
Modyul 16: EPEKTO NG MIGRASYON SA PAMILYANG PILIPINO
Bakit ba nangingibang bansa ang mga Pilipino? Ano-ano ang epekto ng pangingibang bansa o migrasyon sa mga Pilipino? Paano mapapatatag ang pagmamahalan ng pamilya para maging handa sa epekto ng migrasyon? Inaasahang sa pamamagitan ng mga gawain at babasahin sa modyul na ito, masasagot mo ang mahalagang tanong na: Paano mapagtatagumpayan ang banta ng migrasyon sa pamilyang Pilipino?
Ano nga ba ang kahulugan ng migrasyon? Ano ang pinag-ugatan nito? Anu–ano ang mga epekto nito sa pamilyang Pilipino?
Ang migrasyon ay ang paglipat ng isang tao patungo sa isang lugar para humanap ng mga kalakal. Ang migrasyon ay ang pagiging dayuhan ng mga tao sa isang bansa. Ang mga pinag-ugatan nito ay naayon sa mga pangangailangan ng bawat indibidwal at ng pamilyang kinabibilangan. May mabuti at masamang epekto ang migrasyon sa kabuuan at sa pamilyang Pilipino.
Ang migrasyon sa kulturang Pilipino ay nagsimula sa paglipat o pagdayo ng mga mamamayang taga baryo patungong lungsod. Ang mga anak ay dumadayo sa lungsod upang makapag-aral sa mas mataas na paaralan o maging sa mga kolehiyo, hanggang sa doon na rin makapagtrabaho. Gayundin ang ilan sa mga magulang na lalaki ay nangingibang-bayan upang makahanap ng trabaho na may mas mataas na suweldo. Ang ganitong mga sitwasyon ay nagpatuloy at nagpasaling-lahi. Sa pag-usad ng makabagong panahon, naging mas malawak ang saklaw ng pagdayo at paglalakbay ng mga Pilipino sa iba’t ibang lugar at bansa. Maging ang kanilang mga dahilan sa paglakbay ay lumawig din ang saklaw.
Ang migrasyon sa makabagong panahon ay nagkaroon ng bagong mukha, na kung saan malimit noon ay mga anak ang nangingibang bayan upang makapagaral at makapagtrabaho, at ang mga magulang na lalaki ang karaniwang dumadayo sa ibang lugar o pook upang makapaghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya. Sa kasalukuyan, karamihan ay mga magulang na ang dumadayo sa mas malalayong lugar o bansa, gayundin ang mga kababaihang ina, na sila na ang napapalayo sa piling ng mga anak at sa asawa na hindi likas sa kulturang Pilipino. Ang mga di mabilang na ganitong sitwasyon ang nagiging daan sa unti-unting pagusbong ng bagong pananaw sa migrasyon sa ating bansa.
Ang Dahilan Ng Migrasyon
Negatibong dahilan (Push factors) Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Â Positibong dahilan (Pull factors)
1. Kawalan ng hanapbuhay                          Â
1. Maunlad na ekonomiya
2. Karahasan ng pamahalaan           Â
2. Mataas ang sweldo
3. Kawalan ng tirahan                 Â
3. Maayos na health care system
4. Digmaan, kaguluhan, pagpatay       Â
4. Maayos na edukasyon
5. Hindi maayos na edukasyon         Â
5. Maganda ang klima
6. Kahirapan
Mga Epekto ng Migrasyon sa Pamilyang Pilipino
Ang migrasyon ay patuloy na lumalawak dahil na rin sa mga positibo nitong epekto, narito pa ang ilan sa mga naidudulot na kabutihan nito:
1. Ang perang padala ng mga OFWs sa kanilang mga pamilya ay nakatutulong nang malaki sa pag-aangat ng kalagayang pangkabuhayan ng bansa,
2. naipapamalas ang kulturang Pilipino sa ibang lahi,
3. nagagamit at tumitingkad ang mga talino at kagalingan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
4. Ang mga epekto ng migrasyon ay masasalamin sa iba’t ibang kuwento ng totoong buhay sa likod ng pangingibang-bansa ng ilang mga Pilipino
Negatibong epekto ng migrasyon
1. Ang pagbabago sa mga pagpapahalaga at pamamaraan sa pamumuhay. Sa kabila ng patuloy na pagtugon sa mga gastusing pampamilya, ang mga anak na naiiwan ay masyadong nahihikayat sa mga materyal na bagay dala ng mas maluwag na pagtatamasa sa mga naipapadala ng magulang.
2. Ang mabagal na pag-unlad sa pangkaisipan at panlipunan na aspekto ng mga anak. Isang kritikal na yugto ang panahon ng pagdadalaga at pagbibinata, ito ang yugto na nahuhubog ang kanilang kabutihan, kaganapan ng kanilang sarili at ang pagpapaunlad buhat sa kabataan tungo sa mas mapanagutang pagkatao (Erikson, 1968).
3. Maaaring maging dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa at panghihina ng katatagan ng pamilya. Hindi natin maitatanggi na nagiging dahilan din ng paghihiwalay ng ilang mag-asawa ang matagalang pagkalayo sa isa’t isa, na nagiging daan sa pagkasira ng kanilang ugnayang mag-asawa.
4. Ang nagbabagong konsepto ukol sa tradisyunal na pamilya sa transnasyunal na pamilya. Sa kulturang Pilipino, ang ama ang pangunahing tumutugon sa mga pangangailangang pampamilya. Ang ina ang nagtataguyod ng kaayusan at pangangalaga sa mga anak, at nakadepende sa asawa sa mga pangangailangang pinansyal. Ang ama naman ang pangunahing tagapagpasiya sa pamilya. Dahil sa ganitong sistema, kumpleto ang pamilya.
5. Ang pagkakaroon ng puwang at kakulangan ng makabuluhang komunikasyon at atensyon ng magulang sa anak at ng anak sa magulang. Ang komunikasyon at paglalaan ng atensyon sa pamilya ang nagpapatatag ng pagkakaugnay ng bawat miyembro sa isa’t isa
Ang cellphone, computer, video calling at ang mga internet connection ang tanging nag-uugnay sa mga miyembro ng pamilya. At madalas, pinansyal na aspeto ang mga napag-uusapan lamang, dahil sa limitadong oras at panahon, ayaw mabigyan ng alalahanin ang mga magulang na malayo sa kanilang piling, ayaw maipaalam ng magulang ang tunay na sitwasyon sa ibang bansa. Dahil sa mga ito, ang tunay na pagkakalapit at pagpapalitan ng mga saloobin ay hindi na napaglalaanan ng atensyon
Pagharap sa Hamon ng Migrasyon
Ang sumusunod ay mga hakbang upang maging handa sa mga epekto ng migrasyon sa pamilyang Pilipino: (Marie E. Aganon, 1995)
1. Pag-oorganisa at pagbuo ng mga counseling centers
2. Patuloy na paghubog ng mga pagpapahalaga at birtud sa mga anak
3. Pag-oorganisa at pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan
4. Pagbibigay ng mga programang pang OCWs tulad ng makabuluhang pamumuhunan sa negosyo at pagsasakatuparan ng R.A. 8042
Narito pa ang mga karagdagang hakbang upang maging handa sa epekto ng migrasyon:
1. Pagpapanatili at pagpapatatag ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya. Mahalaga na magkaroon ng mga pagkakataong makipagusap at makipag-ugnayan nang may pagmamahalan sa bawat miyembro ng pamilya araw araw.
2. Ang pagkakaroon ng regular na pang-ispiritwal na counseling sa mag-asawa. Ang regular na pagsasangguni ng mag-asawa sa ispiritwal na counseling ay makapagpapatatag ng ugnayan at pagmamahalan ng magulang na mahuhubog din nila sa kanilang mga anak.
3. Ang pagpapaunlad at pagpapatatag sa kultura ng pamilyang Pilipino. Ang pagpapatatag at pagpapalalim sa positibong kamalayan ng kabataan ukol sa kultura ay makapagpapayabong at makapagpapanaliti sa kahalagahan ng kultura at ng mga pagpapahalagang Pilipino.
4. Mapanatili ang matatag na pagmamahalan, pagtitiwala at paggalang sa bawat miyembro ng pamilya. Napakahalaga na mahubog nang may katatagan ang iba’t ibang pagpapahalaga at pag-uugali ng kabataan upang mahubog ang pagkatao at harapin ang hamon ng migrasyon.
5. Pagpapalawak sa kamalayan ng mga kabataan ukol sa pagiging mapanagutan sa mga gampaning pampamilya. Ang pagggawa ng mga tungkuling pampamilya ay hindi lamang nababatay sa kasarian ng bawat isa. Ito ay nababatay sa pagiging mapanagutan sa pagganap ng tungkulin – babae man o lalaki upang maging handa sa banta ng migrasyon at para sa katatagan ng ugnayan sa pamilya at paghubog sa mabuting pagkatao ng bawat miyembro nito.
Ayon kay Dr. Manuel Dy, “ang moral na paghusga sa globalisasyon ay hindi madali, dahil sa katotohanang ito ay kasalukuyan pa lang nagaganap at patuloy na pinagdedebatihan.”
Mahirap buwagin ng isang ordinaryong pamilya ang ganitong sitwasyon. Subalit, hindi dapat maging balakid ito sa patuloy na pagpapatatag ng pamilyang Pilipino, sa paghubog sa pagkatao ng mga miyembro nito at ang pagpapanatili sa ating kulturang pagkakakilanlan. Sa halip harapin ito at tugunan ng may katatagan.