( Aralin 9 ) Pakikibaka Sa Panahon Ng Espanyol
Ang Tatlong Uri ng Pagtugon ng mga Pilipino sa Kasaysayan
Pagtanggap
Tumutukoy sa pakikibagay o pakikisama ng mga Pilipino sa mga sistemang ipinataw ng mga mananakop.
Ginawa ito upang mabuhay at makaiwas sa parusa o karahasan.
Hindi ito palaging tanda ng pagsang-ayon dahil madalas ay may kasamang tahimik na paglaban o paghihintay ng tamang panahon upang makalaya (Bonifacio, 2025; Marites, 2025).
Mga Halimbawa:
Pagbibinyag (Marites, 2025) – Noong 1521 sa Cebu, pinabinyagan ni Fray Pedro Valderrama sina Rajah Humabon, ang kaniyang asawa, at humigit-kumulang 800 katao. Naging simula ito ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pagbabago sa kulturang Pilipino (Capuchin Tertiary Sisters of the Holy Family Asia, 2021).
Pagbabayad ng buwis (cedula) – Naging simbolo ng kolonyal na pang-aapi ng mga Espanyol. Ang pagpunit nito noong panahon ng Katipunan ay naging tanda ng pag-aalsa. Ngunit sa kasalukuyan, bahagi pa rin ito ng mga dokumentong ginagamit sa mga opisyal na transaksiyon (Taboada, 2013).
Pagtanggap sa Kristiyanismo (Marites, 2025) – Tinanggap ng mga Pilipino ang Kristiyanismo hindi lang sa pagbibinyag, kundi pati sa pagdalo sa misa, pag-aaral ng katesismo, at mga debosyon tulad ng Simbang Gabi, Pasyon, at pista. Lumitaw din ang sinkretismo, o ang pagsasanib ng katutubong paniniwala at Kristiyanismo (Villafuerte, n.d.).
Paglayo o Pag-iwas
Isa ring uri ng paglaban kung saan pinili ng mga Pilipino na umiwas sa kontrol ng mga mananakop.
Ginawa ito sa pamamagitan ng paglipat sa kabundukan o liblib na pook upang mapanatili ang sariling kultura at kalayaan.
Isang anyo ng tahimik na pagtutol sa mga batas at pamahalaang kolonyal (Bonifacio, 2025; Marites, 2025).
Halimbawa:
Ang mga Subanon – Inilipat sila ng mga Kastila sa Zamboanga, ngunit dahil hindi angkop ang lupain, nilayasan nila ang mga prayle at bumalik sa kabundukan upang ipagpatuloy ang kanilang tradisyunal na pananampalataya kasama ang mga babaylan.
Itinuring ng mga Kastila ang mga nanirahan sa kabundukan bilang indocumentados (walang papeles), remontados (tumalikod sa pamayanan), cimarrones (tumakas sa kontrol), ladrones (magnanakaw), monteses (taong-bundok), at tulisanes (bandido).
Paglaban
Pinakamatapang at pinakamatinding uri ng pagtugon ng mga Pilipino.
Kabilang dito ang mga armadong pag-aalsa, rebolusyonaryong kilusan, at intelektwal na pakikibaka.
Layunin nitong ipahayag ang mariing pagtutol sa pang-aapi at ang hangaring makamit ang kalayaan at katarungan (Bonifacio, 2025; Marites, 2025).
Umabot sa mahigit 200 pag-aalsa sa loob ng 300 taong pananakop ng mga Kastila (Marites, 2025).
Mga Halimbawa:
Pakikipaglaban gamit ang armas – Paglaban ng mga Moro laban sa mga Kastila at ang Pag-aalsang Dagohoy na tumagal ng mahigit 80 taon.
Pakikipaglaban gamit ang panulat – Ginamit ng mga kabataang nakapag-aral, gaya nina Rizal, del Pilar, at Lopez Jaena, ang panulat upang ilantad ang kalupitan ng mga Espanyol at ipalaganap ang nasyonalismo (Bonifacio, 2025).
Mga Naging Tugon Ng Pilipino sa Kasaysayan
I. Pakikibaka sa Panahon ng Espanyol
Sa panahon ng kolonisasyon ng Espanya, ang mga Pilipino ay nagpakita ng masidhing pakikibaka upang ipahayag ang kanilang mithiin para sa kalayaan at karapatan bilang tao.
Ang mga pag-aaklas at kilusang nabuo ay hindi lamang simpleng pagtutol, kundi manipestasyon ng nasyonalismo at katarungang panlipunan.
Mula sa armadong rebolusyon hanggang sa mapayapang kilusang intelektwal tulad ng Propaganda Movement, ipinakita ng mga Pilipino ang iba’t ibang paraan ng paglaban sa pang-aapi.
Ang mga kilusang ito ang nagtanim ng binhi ng kamalayang makabansa at naging pundasyon ng laban para sa kalayaan at pagkakapantay-pantay.
1.1 Kilusang Agraryo noong Ika-18 at Ika-19 na Siglo
Kahulugan:
Ang Kilusang Agraryo ay pakikibaka ng mga magsasaka laban sa pang-aabuso ng mga Espanyol at mga prayle sa usaping lupa at kabuhayan.
Layunin nitong ipaglaban ang karapatan sa lupang sinasaka laban sa sistemang encomienda, mataas na buwis, at polo y servicio (sapilitang paggawa).
Pag-aalsa sa Silang, Cavite (1745)
Nagsimula nang ang mga prayleng Dominikano ay sapilitang inangkin ang malalawak na lupain na matagal nang pagmamay-ari ng mga katutubo.
Sa Hacienda Biñan, dinaya ng mga Dominikano ang sukat ng lupa — mula 3,000,000 brazas ay ginawang 9,000,000 brazas, dahilan upang mawalan ng karapatan ang mga mamamayan.
Sa kabila ng protesta ng mga taga-Silang, pinanigan ng Audiencia (hukuman) ang mga prayle, kaya’t nawalan ng lupa at kabuhayan ang mga magsasaka (Villania, 2025).
Aksyon ng mga Mamamayan:
Noong Abril 28, 1745, naghain ng petisyon ang mga taga-Silang upang mabawi ang kanilang lupain.
Pagkalipas ng dalawang araw, nagprotesta sila sa pamamagitan ng pagsunog sa mga bodega, pagkasira ng patubig, at pag-atake sa ilang bahagi ng hacienda.
Pinangunahan ni G. Jose dela Vega ang kilusang ito na lumawak sa Batangas, Laguna, at Bulacan, at nakilala bilang Tagalog Agrarian Revolt (1745–1746).
Kinalabasan:
Nagdeklara ng amnestiya ang hukom na si Pedro Enriquez Calderon at pansamantalang ibinalik ang lupa sa mga taga-Silang.
Ngunit kalaunan, muling nakuha ng mga prayle ang kapangyarihan sa lupain.
Gayunpaman, ang pag-aalsang ito ay naging simbolo ng tapang at pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol ng kanilang karapatan bago pa man ang ika-19 na siglo (Villania, 2025).
Rebolusyong Dagohoy (1744–1829)
Pinamunuan ni Francisco Dagohoy sa Bohol, ito ang pinakamahabang pag-aalsa sa kasaysayan ng Pilipinas, tumagal ng 85 taon.
Nagsimula ito dahil sa kawalang-katarungan ng mga prayle — hindi pinayagan ng isang paring Heswita na mabigyan ng Kristiyanong libing ang kapatid ni Dagohoy.
Naging mitsa ito ng galit ng mga Boholano na noon pa’y matagal nang nagdurusa sa mataas na buwis, polo y servicio, at pang-aabuso ng mga prayle (Dagohoy, 2015).
Aksyon ng mga Mamamayan:
Itinatag ni Dagohoy ang malayang pamayanan sa kabundukan ng Bohol, na sinamahan ng libo-libong magsasaka at mamamayan.
Matagumpay nilang napigilan ang mga ekspedisyong militar ng Espanya sa loob ng maraming dekada.
Natapos lamang ang rebolusyon noong 1829, nang tuluyang masupil ng mga Espanyol ang kilusan.
Kahalagahan:
Ang Rebolusyong Dagohoy ay simbolo ng katatagan, tapang, at hangarin ng mga Pilipino sa kalayaan.
Ipinakita nito na hindi kailanman sumuko ang mga Pilipino sa pang-aapi, gaano man katagal ang laban (Dagohoy, 2015; Sagisag Kultura; Dagohoy Revolution: Things You May Not Know (Part 2), 2020).
Pagsusulong ng Karapatan ng mga Magsasaka
Ang mga Kilusang Agraryo ay patunay ng malalim na kamalayang pangkalayaan ng mga Pilipino sa kanayunan.
Sa Silang, Cavite, lumaban ang mga mamamayan sa mga Dominikano na sapilitang kumuha ng kanilang lupa.
Sa Bohol, ipinaglaban ng mga Boholano sa pamumuno ni Dagohoy ang dignidad at karapatan laban sa mga mapang-aping prayle.
Parehong pag-aalsa ang nagpatunay ng diwa ng nasyonalismo at paninindigan sa karapatan ng mamamayan (Dagohoy, 2015; Almario, 2020).
Mga Isyu sa Agrikultura
Sa Cavite, niloko ng mga prayle ang sukat ng Hacienda Biñan upang maagaw ang lupain ng mga katutubo.
Sa Bohol, labis na nagdusa ang mga mamamayan dahil sa buwis, tributo, at sapilitang paggawa.
Nagdulot ito ng kahirapan, kawalan ng seguridad sa lupa, at kawalang-katarungan, na humantong sa pagkakaisa ng mga mamamayan sa paglaban (Dagohoy, 2015; Almario, 2020).
Pag-aaklas ng mga Magsasaka
Sa Silang, Cavite (1745) – Naghain ng petisyon ang mga mamamayan at sumunod ang marahas na aksyon laban sa mga prayle.
Sa Bohol (1744–1829) – Sa pamumuno ni Francisco Dagohoy, libo-libong mamamayan ang umakyat sa kabundukan at nagtatag ng sariling pamayanan na lumaban sa loob ng 85 taon.
Parehong kilusan ay nagpakita ng pagkakaisa at katatagan ng mga Pilipinong magsasaka sa kanilang laban para sa lupa, karapatan, at kalayaan (Dagohoy, 2015; Almario, 2020).
1.2 Kilusang Propaganda
Kahulugan
Ang Kilusang Propaganda ay isang kilusang intelektwal at pampanitikan na umusbong noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.
Binubuo ito ng mga ilustradong Pilipino na karamihan ay nag-aral sa Europa.
Layunin nilang magsulong ng mga reporma sa ilalim ng pamahalaang kolonyal ng Espanya.
Hindi nila layuning agarang makamit ang kalayaan, kundi pagkakapantay-pantay, katarungan, at makataong pagtrato sa mga Pilipino bilang mamamayan ng Espanya.
Konteksto at Pinagmulan
Matapos ang Pag-aalsa sa Cavite (1872) at pagbitay sa tatlong paring martir na Gomburza, lumakas ang kamalayang makabayan ng mga Pilipino.
Maraming ilustrado ang naging mulat sa kawalan ng katarungan sa ilalim ng pamahalaang Espanyol.
Dahil dito, ilang ilustrado ang naglakbay sa Europa upang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at ipahayag ang hinaing ng mga Pilipino.
Doon ay nabuo ang Kilusang Propaganda na nagsilbing tulay ng komunikasyon ng mga Pilipino sa Espanya (La Solidaridad, 2015).
La Solidaridad
Itinatag noong Pebrero 15, 1889 sa Barcelona, Espanya bilang opisyal na pahayagan ng kilusan.
Layunin nitong magsilbing boses ng mga Pilipino sa Espanya at Europa upang maipahayag ang kanilang mga hinaing at mithiin.
Graciano López Jaena ang unang patnugot, sinundan ni Marcelo H. del Pilar na nagpalakas sa papel ng pahayagan bilang daluyan ng mga ideya ng mga repormista.
Nilalaman ng La Solidaridad
Naglathala ng mga artikulo, sanaysay, at komentaryo tungkol sa:
Pang-aabuso ng mga prayle
Kawalan ng representasyon ng Pilipinas sa Cortes Generales (Kongreso ng Espanya)
Mataas na buwis at tributo
Nagpanukala rin ng mga reporma tulad ng:
Pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Espanyol sa ilalim ng batas
Kalayaan sa pamamahayag
Sekularisasyon ng mga parokya
Pagbabalik ng representasyon ng Pilipinas sa Kongreso ng Espanya
Katapusan ng La Solidaridad
Tumigil ang publikasyon noong Nobyembre 15, 1895 dahil sa kakulangan ng pondo.
Gayunpaman, ito ay naging simbolo ng mapayapang pakikibaka ng mga Pilipino at nagsilbing inspirasyon sa Katipunan at Rebolusyong Pilipino.
Mga Layunin ng Kilusan (Joting, n.d.)
Pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Espanyol sa ilalim ng batas
Pagkilala sa Pilipinas bilang lalawigan ng Espanya, hindi kolonya
Kalayaan sa pamamahayag at malayang pagtitipon
Pagbabalik ng representasyon ng Pilipinas sa Cortes Generales
Sekularisasyon ng mga parokya at pagpapatalsik sa kapangyarihan ng mga prayle
Mga Paraan ng Pakikibaka (Joting, n.d.)
Pagsusulat ng mga nobela, sanaysay, at artikulo laban sa pang-aabuso
Paglalathala sa La Solidaridad upang magmungkahi ng reporma
Pakikipag-ugnayan sa mga liberal na Espanyol upang makakuha ng suporta
Mahahalagang Personalidad (Joting, n.d.)
José Rizal – sumulat ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo na naglantad ng pang-aabuso ng mga prayle
Graciano López Jaena – nagtatag ng La Solidaridad
Marcelo H. del Pilar – tinaguriang Dakilang Propagandista, sumulat ng mga satirikong akda laban sa mga prayle
Mariano Ponce, Antonio Luna, at iba pang ilustrado – katuwang sa pagsusulong ng mga reporma
Epekto at Kahalagahan (Joting, n.d.)
Hindi man natupad ang lahat ng layunin, nagising ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.
Naglatag ito ng kaisipan ng nasyonalismo at karapatang pantao.
Naging pundasyon ng Katipunan at Rebolusyong Pilipino (1896).
Ipinakita ng kilusang ito na maaaring lumaban sa pang-aapi sa mapayapang paraan gamit ang edukasyon at panitikan.
1.3 Ang Himagsikan ni Bonifacio at ang Rebolusyon ni Aguinaldo
Himagsikan ni Bonifacio
Kahulugan
Ang Himagsikan ni Andres Bonifacio ay isang armadong rebolusyon laban sa pananakop ng mga Espanyol.
Itinatag ito sa pamamagitan ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK) noong Hulyo 7, 1892.
Layunin ng Katipunan ang ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya sa pamamagitan ng pag-aaklas at pakikibaka, matapos mabigo ang mapayapang reporma ng Kilusang Propaganda (Himagsikang 1896, 2015).
Pagkakatatag ng Katipunan
Itinatag ni Andres Bonifacio, kasama sina Teodoro Plata at Ladislao Diwa, matapos maipatapon si José Rizal sa Dapitan.
Ang samahan ay lihim na nagtataglay ng mga layunin, batas, at seremonya ng pagpasok sa kasapian.
Ginamit nila ang dugo bilang simbolo ng panata sa Katipunan.
Pinairal nila ang pagkakaisa, pagkakapantay-pantay, at pagmamahal sa bayan bilang pangunahing simulain.
Pagsiklab ng Himagsikan
Noong Agosto 1896, natuklasan ng mga Espanyol ang pagkakatatag ng Katipunan.
Bunsod nito, nagpulong ang mga kasapi sa Pugad Lawin (o Balintawak, ayon sa ibang talaan) noong Agosto 23, 1896.
Sa pulong na ito, pinunit nila ang kanilang mga sedula (buwis ng mga Espanyol) bilang tanda ng pagtakwil sa pamahalaang kolonyal.
Ang pangyayaring ito ay tinawag na “Sigaw ng Pugad Lawin”, at itinuturing na simula ng Rebolusyong Pilipino (Himagsikang 1896, 2015; Gachallan, 2023).
Kahulugan at Epekto ng Himagsikan ni Bonifacio
Pinasiklab ng himagsikan ang diwa ng nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino.
Ipinakita ni Bonifacio na ang kalayaan ay hindi hinihingi kundi ipinaglalaban.
Gayunpaman, nagkaroon ng panloob na tunggalian sa loob ng Katipunan, partikular sa pagitan ng mga paksyon nina Bonifacio at Emilio Aguinaldo sa Cavite.
Tejeros Convention (Marso 1897)
Sa pulong ng mga rebolusyonaryo sa Tejeros, Cavite, nagkaroon ng halalan para sa bagong pamahalaang rebolusyonaryo.
Emilio Aguinaldo ang nahalal na Pangulo, habang si Bonifacio ay hindi napiling pinuno.
Bunga ng alitan at kawalang pagkakaunawaan, si Bonifacio ay inaresto at hinatulan ng kamatayan. Siya ay pinatay noong Mayo 1897.
Kahalagahan
Sa kabila ng pagkamatay ni Bonifacio, ang kanyang himagsikan ang nagpasimula ng rebolusyon laban sa kolonyalismo.
Ang Katipunan ay naging pundasyon ng pambansang pagkakaisa at simbolo ng tapang at sakripisyo para sa kalayaan.
Ang kanyang mga prinsipyo ng “Kaginhawaan ng Bayan” at “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan.
Rebolusyon ni Aguinaldo
Kahulugan
Ang Rebolusyon ni Emilio Aguinaldo ay ang ikalawang yugto ng Rebolusyong Pilipino laban sa mga Espanyol.
Nagsimula ito noong Marso 22, 1897, sa Tejeros Convention, nang mahalal si Aguinaldo bilang Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan.
Ang kanyang pamumuno ay nagbigay ng mas organisado at sistematikong direksyon sa himagsikan (Emilio Aguinaldo, 2015).
Republika ng Biak-na-Bato (Hulyo 1897)
Itinatag sa San Miguel, Bulacan bilang pansamantalang pamahalaan ng mga rebolusyonaryo.
Dito nilagdaan ang Konstitusyon ng Biak-na-Bato na nagtakda ng layuning ganap na paglaya ng Pilipinas mula sa Espanya.
Dahil sa kakulangan ng pondo at armas, nilagdaan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato noong Disyembre 1897, kung saan ipinatapon si Aguinaldo sa Hong Kong kapalit ng ayuda mula sa mga Espanyol (Maranan, n.d.).
Pagbabalik ni Aguinaldo at Pagpapahayag ng Kalayaan
Nang sumiklab ang Digmaang Espanyol-Amerikano (1898), bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas sa tulong ng mga Amerikano.
Noong Hunyo 12, 1898, sa Kawit, Cavite, idinaklara ang Kalayaan ng Pilipinas.
Ipinagwagayway ang watawat ng Pilipinas at unang itinugtog ang Lupang Hinirang bilang pambansang awit.
Ang pangyayaring ito ang unang pormal na deklarasyon ng kalayaan sa buong Asya.
Unang Republika ng Pilipinas (Malolos, 1899)
Itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan — ang unang republika sa Asya.
Ipinakita nito ang kakayahan ng mga Pilipino na mamuno at bumuo ng sariling pamahalaan.
Nagkaroon ng Saligang-Batas ng Malolos, na nagtakda ng mga karapatan at sistemang pamahalaan para sa bansa.
Digmaang Pilipino-Amerikano (1899–1902)
Matapos matalo ng Espanya sa Amerika, hindi kinilala ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas.
Dahil dito, sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899.
Sa digmaang ito, ipinaglaban ni Aguinaldo at ng kanyang mga hukbo ang kasarinlan laban sa bagong mananakop.
Nahuli si Aguinaldo noong Marso 23, 1901, at pormal na nagtapos ang digmaan noong Hulyo 4, 1902.
Kahalagahan ng Rebolusyon ni Aguinaldo
Naging pundasyon ng Unang Republika ng Pilipinas at ng Saligang-Batas ng Malolos.
Ipinakita nito ang tapang, talino, at kakayahan ng mga Pilipino na magtatag ng sariling pamahalaan.
Naging tulay ng pakikibaka mula sa Espanya hanggang Amerika, na nagpatuloy ang diwa ng nasyonalismo at kalayaan.